Delicious comeback: Sunny Orange Juice, muli nang matitikman

  • Nagbabalik ang juice drink na kasama natin sa pagkabata na Sunny Orange
  • Mabibili ang iconic na instant juice sa Shopee at mayroon pa silang promo na major thr0wback din
  • Ikinatuwa naman ng maraming netizens ang pagbabalik na ito dahil siguradong maraming alaala ng kabataan ang magbabalik kapag muli nila itong natikman

Sa panahong uso ang mga hugot, isa sa mga naging paksa ng ilan ang pagbabalik ng mga umalis. Para sa ilan, huwag na raw umasang babalik pa kapag iniwan ka na dahil mahirap maniwala sa comeback.

Ngunit pinatutunayan ng mga paborito nating produkto noon na walang masamang bumalik. Trending nga ngayon sa social media ang pagbabalik ng kinalakihan ng marami na instant juice concentrate na Sunny Orange.

Larawan mula sa Facebook page ng Sunny Orange

Binulaga ng pagbabalik ng produktong minahal ng marami sa atin noong kabataan sa pamamagitan ng isang Facebook page na opisyal na inilunsad noong Abril 13. Sa major comeback ng iconic na juice drink, inanunsiyo nila na mabibili na sila sa e-commerce platform na Shopee.

“Sabihin mo, salamat Shopee! Available na po tayo sa Shopee,” pahayag ng Sunny Orange Facebook page na umani ng maraming reactions at komento mula sa mga Pilipinong naka-miss sa sarap ng inuming ito.

Ibinibida rin ng kanilang Facebook page na ang pagbabalik ng Sunny Orange ay isang “masarap” na pagbabalik dahil mas pinasarap daw nila ang lasa nito. Ngunit kahit bagong bihis na ang Sunny Orange, dala pa rin nila ang kanilang sikat na tagline na “Sunny Orange I Love You!”

May pa-promo pa nga ang Sunny Orange na isang major thr0wback din. Sa halagang P1,499, mayroong isang quart ng Sunny Orange at mayroon pang kasamang isang punch bowl set na perfect sa handaan lalo na ngayong summer. Nasa P399 naman ang isang 950 mL bottle.

Larawan mula sa Facebook page ng Sunny Orange

Hindi naman mapigilan ng ilang netizens ang kanilang excitement dahil sa pagbabalik ng kinalakihan nilang orange juice na orihinal na inilunsad noong 1980s. Ayon sa ilan, binabalik daw nito ang alaala nila noong bata. Madalas daw kasi itong timplahin ng kanilang mga magulang may okasyon man o wala.

Iconic naman ang juice na ito para sa ilan dahil maliban sa masarap ito, tumatak sa kanila ang kaunting patak ng orange na ito sa tubig ay marami na ang makakainom. Lumalasa raw ang isang patak ng Sunny orange sa litro ng tubig at marami na ang makakainom.

Excited ka na rin bang matikmang muli ang Sunny Orange?

Loading…