Delivery rider kinain ang food order na surpresa ng kaniyang customer sa isang babae

  • Kakaiba ang karanasan ng isang delivery rider
  • Tumanggi kasi ang dadalhan niya sana ng food delivery na kunin ang mga ito
  • Sa halip, ipinakain na lamang sa kaniya

Malaki ang naitutulong ng mga delivery riders lalo na sa paghahatid ng mga food orders sa panahon ng community quarantine, na hangga’t maaari ay nasa loob lamang ng bahay ang mga customers upang mapigilan ang pagkalat ng COVID-19. Sila ay matatawag din bilang ‘frontline’ workers.

Bawat delivery rider yata ay may naiibang kuwento ng iba’t ibang karanasan hinggil sa mabait na customer, masungit na customer, prank call, o fake booking. Subalit kakaiba ang kuwento at karanasan ng delivery rider na si Ezer Ocampo Rubinas na ibinahagi niya sa kaniyang Facebook post.

Imahe mula sa Facebook account ni Ezer Ocampo Rubinas

Salaysay niya, ipinahahatid ng kaniyang customer na lalaki ang isang food delivery mula sa isang sikat na fast food chain. Naitanong niya sa babaeng padadalhan ang landmark ng tirahan o address nito. Sumagot ang babae na wala naman siyang kahit na anong ino-order.

“Ma’am paid na po thru GCash baka po may nag-gift sa inyo ng meal!” paliwanag ng delivery rider.

Tugon naman ng babae, “Huwag mo na po deliver, Kuya, sa iyo na lang ‘yan.”

“Mukhang inaamo si Madam ng BF niya kaso hindi umubra hehehe,” natatawang saad na lamang ng delivery rider. Batay sa kalakip na larawan, ang order ay pancake, fried chicken, orange juice, at hash brown. Mukhang sinunod naman ni Kuya ang utos ng babae.

Umani naman ito ng iba’t ibang reaksyon at komento mula sa mga netizens.

“Sana ganito na lang huwag ‘yung fake booking, para may free meal ‘yung mga rider,” wika ng isa.

Turan naman ng isa, “Mas kawawa ‘yung nagbayad thru GCash tapos ayaw tanggapin ang order. Kung ako ‘yung nagpa-deliver, kakainin ko na lang ‘yung order ko, sayang bayad ko hahaha.”

Public Domain Image

“Masyado namang pabebe si Ate Girl! Hahaha. Grasya na nga tinanggihan pa,” saad naman ng isa.

Sabi naman ng isa, “Wow sana all inaamo nang may paganyan… kung ako iyan, hindi ko tatanggihan kasi bawal tumanggi sa grasya at baka magtampo.”

Kulang pa yata ang effort ni Kuya customer para sa kaniyang sinusuyo! Better luck next time!

Loading…