DFA Sec. Locsin kinokonsidera ang demarche matapos sabihin ng China na kanila ang Julian Felipe Reef

Imahe mula sa DFA
  • Kinokonsidera ni DFA Sec. Locsin ang demarche hinggil sa isyu sa Julian Felipe Reef
  • Ang pahayag ni Sec. Locsin ay kasunod ng sinabi ng China na bahagi ng kanilang teritoryo ang Julian Felipe Reef na tinatawag nilang “Niu’e Jiao”
  • Naghain ng diplomatic protest ang DFA noong March 21 dahil sa mahigit 200 Chinese vessels na nakahimpil sa Julian Felipe Reef na sakop ng exclusive economic zone ng Pilipinas

Nagpahayag si Secretary Teodoro Locsin, Jr. Ng Department of Foreign Affairs (DFA) na kinokonsidera niya ang demarche (isang political step upang ipaalam ang posisyon ng bansa sa pamamagitan ng isang opisyal ng ibang bansa hinggil sa isang usapin) matapos sabihin ng China na ang Julian Felipe Reef ay bahagi ng kanilang teritoryo.

Imahe mula sa Armed Forces of the Philippines

“Coming and going fishing makes no claim of possession per se; it is only when Chinese embassy claimed the area as Chinese territory—as evidenced by the swarm—that it becomes problematic. Considering a demarche,” bahagi ng Twitter post ng kalihim.

Noong nakaraang linggo lang ay nakipagpulong si Sec. Locsin sa Foreign Minister ng China na si Wang Yi sa Fujian, China.

Matatandaang naghain ng diplomatic protest ang DFA noong March 21 dahil sa mahigit 200 Chinese vessels na nakahimpil sa Julian Felipe Reef, na sakop ng exclusive economic zone ng Pilipinas.

Iginigiit ng China na ang Julian Felipe Reef, na tinatawag nitong “Niu’e Jiao,” ay bahagi ng kanilang Nansha Qundao (Spratly Islands) kung saan ang mga Chinese fishing vessels diumano ay nangingisda sa loob ng maraming taon na.

Ayon sa Chinese Embassy sa Maynila, ang mga namataang Chinese vessels ay nagkanlong sa Julian Felipe Reef dahil maalon ang karagatan.

Imahe mula sa NTF-WPS

Hindi tinanggap ni National Defense Secretary Delfin Lorenzana ang pahayag ng Chinese ambassador. Pinaaalis niya sa China ang mga natitira pang barko nito sa Julian Felipe Reef.

“The Chinese Ambassador to the PH has a lot of explaining to do. There are still 44 Chinese vessels that are in Julian Felipe Reef. I am no fool. The weather has been good so far, so they have no reason to stay there. These vessels should be on their way out. Umalis na kayo diyan,” mariing pahayag ni Sec. Lorenzana.

Imahe mula sa PNA

Aniya, dapat irespeto ng China ang karapatan ng Pilipinas bilang isang malayang bansa sa exclusive economic zone nito batay sa depinisyon ng United Nations  Convention on the Law of the Sea.

Source :

Inquirer, Twitter

Loading…