Diskwento sa kuryente para sa mga consumers na apektado ng lockdown, iminungkahi

Imahe mula sa PNA
  • Iminungkahi ni Rep. Bernadette Herrera-Dy na bigyan ng diskwento ang mga mamamayang apektado ng lockdown
  • Sa ilalim ng mungkahi ay bibigyan ng electronic discount vouchers ang mga apektadong household na kumokonsumo ng hindi lalampas sa 200kWh
  • Ang electronic discount vouchers ay malaking tulong upang mabawasan ang mga pasanin ng mga mamamayan

Iminungkahi ng isang mambabatas na mabigyan ng diskwento sa kanilang babayaran sa kuryente ang mga konsyumer  na apektado ng lockdown sa pamamagitan ng pagbibigay ng electronic discount vouchers sa mga ito.

Imahe mula sa Meralco

Nanawagan si House of Representatives Deputy Speaker Bernadette Herrera-Dy sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Energy (DOE), Department of Finance (DOF) at iba pang concerned departments na muling buhayin at palawigin  ang Pantawid Kuryente Program upang mabenepisyuhan hindi lang ang lifeline consumers kundi pati na ang mga households na may monthly electricity consumption na mababa sa 200 kilowatt per hour (kWh).

“Pantawid Kuryente can be in the form of electronic vouchers the DoF can directly send to the account of electricity consumers in the NCR (National Capital Region) Plus. If more funds are available, the scope can include LGUs which were under ECQ or modified enhanced community quarantine (MECQ) in 2020,” ayon kay Rep. Herrera-Dy.

Sa ilalim ng suhestyon ni Rep. Herrera-Dy, ang mga households na kumokonsumo ng 50kWH kada buwan ay maaaring bigyan ng 100% one-month discount, ang mga kumukonsumo ng hanggang 100kWh maaaring bigyan ng 75% one-month discount, ang kumukonsumo ng hanggang 150kWh ay 50% one-month discount  at ang kumukonsumo ng mataas sa 150kWh subalit hindi hihigit sa 200kWH ay 25% one-month discount naman.

Imahe mula sa Meralco

Aniya, hindi na bago ang Pantawid Kuryente dahil nagawa na umano ito noon ng DSWD at ng National Electrification Administration.  Katulad lang daw ito ng Pantawid Kalsada Program na ipinatupad noon ng DOF at DOE.

Maaari rin umanong mag-ambag ang mga local government units ng sarili nilang electricity vouchers sa halagang P500 hanggang P2,000 kung mamarapatin ng kanilang pondo.

Maaari rin daw na magbigay ng Pantawid Kuryente vouchers sa kanilang mga miyembro ang Social Security System, Government Service Insurance System at Pag-IBIG.

“Kailangan ang Pantawid Kuryente ngayon dahil nalunod na ng overdue electricity bills ang maraming pamilyang Pilipino. Mabawasan man lang kahit konti ang pasanin nila, malaking tulong na iyon,” wika ng mambabatas.

Sinabi pa ni Rep. Herrera-Dy na ang ayuda na  kasalukuyang ipinamamahagi sa NCR+ areas ay hindi sapat.

 

Imahe mula sa ADRC

Loading…