DOH bubuo ng ‘home care kit’ para sa mga mild COVID cases

COVID care kit na ipinamamahagi ng OVP| Imahe mula sa Twitter
  • Bubuo ang DOH ng ‘home care kit’ na ipamamahagi sa pasyenteng may mild na COVID
  • Ito ay para tulungan ang mga naka-isolate sa kanilang bahay habang nagpapagaling
  • Ang pondo ng proyekto ay posibleng manggaling sa PhilHealth

Bubuo ang Department of Health (DOH) ng ‘home care kit’ o ‘home care package’ na maaaring gamitin ng mga pasyenteng naka-isolate sa kanilang bahay at may mild lamang na sintomas ng COVID-19.

Sa panayam ng ABS-CBN News kay Health Undersecretary Ma. Rosario Vergeire, sinabi ng opisyal na ang Office of the President mismo ang nagbigay ng utos sa kanila para bumuo ng ‘home care kit’.

Ito ay upang tulungan ang mga pasyenteng gusto na lamang mag-home quarantine o kaya ay pinayuhang manatili na lang sa kanilang bahay habang nagpapagaling.

Imahe mula sa PCOO

“For example, nandyan na yung mga iinumin mo tapos may guidance pa galing sa ating mga doctor through telemedicine and that is what we’re trying to develop right now immediately,” bahagi ni Vergeire.

Maaari umanong ilagay sa kit ang mga vitamins, gamot tulad ng paracetamol at instructions mula sa doktor kung saan nasasaad ang mga dapat bantayan sa pasyente kung kailan nila kailangang sumugod na sa ospital.

Nakikipag-ugnayan na umano sila sa ibang ahensiya upang mai-link ito sa telemedicine platforms at maging sa PhilHealth para naman pondohan ang naturang proyekto.

“The kits can be procured by the DOH but we need a totality of the whole package because it’s not just going to be the kits, there would be telemedicine consultations, there would be patient navigations, referral systems so kailangan kumpleto po,” paliwanag ni Vergeire.

‘COVID-19 care kit’ na ipinamamahagi ng OVP| Imahe mula sa FreebieMNL

“Pero when it comes to the kits, it can easily be procured by the government,” dagdag pa ng opisyal.

Nagpaalala ang mga doktor na ang mga pasyenteng naka-isolate sa kanilang bahay ay dapat may sariling kuwarto at banyo na may maayos na ventilation.

Maliban sa mga gamot at vitamins, nakahanda na rin dapat sa ‘home care kit’ ang mga face mask, gloves, at mga monitoring supplies tulad ng thermometer, pulse oximeter at BP cuff.

Nakahiwalay din dapat ang mga gamit ng pasyente tulad ng toiletries at utensils at mahalagang i-disinfect at hugasan ito ng maigi upang maiwasan ang hawahan sa bahay.

Kamakailan ay namahagi ang Office of the Vice President (OVP) ng ‘COVID-19 care kit’ sa pamamagitan ng programang ‘e-Konsulta’ na inilunsad ni VP Leni Robredo.

Loading…