Doktor na naka-bike nasita sa Cainta checkpoint dahil walang suot na face mask at face shield

For illustrative purposes only| Imahe mula sa Facebook
  • Isang doktor ang nasita at hinuli dahil walang suot na face mask at face shield
  • Sinita umano ito sa checkpoint subalit nakipagtalo pa sa mga awtoridad
  • Nagpaalala naman ang DOH na hindi required ang mga bikers na magsuot ng face shield

Isang doktor ang naiulat na hinuli ng mga pulis sa isang checkpoint dahil umano sa paglabag sa quarantine protocol kamakailan. Nag-viral sa social media ang kuwento ng nasabing doktor dahil sa hindi malinaw na bersiyon kung bakit at paano siya hinuli.

Lumabas sa mga ulat na sakay ng kaniyang bike ang nasabing doktor nang dumaan ito sa isang checkpoint sa Ortigas Avenue Extension sa Barangay Sto. Domingo noong Abril 4 dakong alas-7 nang umaga.

Sinita umano siya dahil wala itong suot na face mask at face shield. Subalit nakipagtalo raw ang 35-anyos na doktor at ‘nag-hysterical’ pa at kung ano-ano na ang pinagsasabi sa mga awtoridad.

Cainta checkpoint, for illustrative purposes only| Imahe mula sa Facebook

Dahil dito, napilitan umanong arestuhin ng mga nagmamandong pulis ang nabanggit na doktor at binitbit patungong presinto kung saan ito sinampahan ng patong-patong na reklamo.

Ayon kay Rizal police provincial director Col. Joseph Arguelles, sinampahan ito ng oral defamation, paglabag sa RA 151, alarm and scandal at paglabag sa health protocol.

Nitong Miyerkules ay kinumpirma ng mga awtoridad na nakalabas na ang naturang doktor matapos makapagpiyansa ng P6,000.

Samantala, iniimbestigahan na rin ang reklamo ng doktor na ikinulong umano siya kasama ang ilang inmates na may sintomas ng COVID-19.

Ayaw na ring maglabas pa ng pahayag ang kaniyang pamilya at humihiling ito na igalang ang kanilang privacy dahil hindi pa nakarerekober mula sa naturang insidente ang doktor.

Face shield ‘di required sa bikers, active commuters

Samantala, nagpaalala naman Department of Health (DOH) nitong Huwebes na ang mga bikers at ‘active commuters’ ay hindi required magsuot ng face shield.

Ilang memo na umano ang inilabas nila na nagsasabing ang sinuman na sangkot sa paggawa ng mga “strenuous activities/work, fine workmanship, operation of transportation vehicles, at active transport” ay exempted sa pagsusuot ng face shield dahil maaari itong maging sanhi ng “possible vision impairment.”

For illustrative purposes only| Imahe mula sa PNA

“With increasing reports of cyclists and other active transport users being arrested for not wearing face shields, the DOH reiterates that active transport users are NOT required to use face shields,” pahayag ng DOH.

Ganun pa man, nagpaalala rin ang DOH na kailangan pa rin silang sumunod sa iba pang health protocols tulad ng pagpapanatili ng physical distancing at iba pa.

Loading…