Driver na may Tourette Syndrome ipinaliwanag sa pamamagitan ng vlog ang kanyang kondisyon

Screenshot mula sa GMA video
  • Gumawa ng YouTube channel ang isang TNVS driver na mayroong tourette syndrome
  • Layunin ng TNVS driver na si Marlon Fuentes na maipaliwanag sa mga tao ang kanyang kondisyon
  • Nagbibigay-inspirasyon din ang kanyang vlog para sa mga tulad niyang may tourette syndrome

Tourette Syndrome ang tawag sa kondisyon ng transport network vehicle service (TNVS) driver na si Marlon Fuentes.

Screenshot mula sa GMA video

Ang tourette syndrome ay isang kondisyon ng nervous system na nagsasanhi upang magkaroon ng “tics” ang isang mayroon nito. Ang tics ay ang mga paulit-ulit na involuntary movement ng katawan o sa pagsasalita.

Maihahalintulad ang tics sa pagsinok. Kahit ayaw mong suminok, sinisinok ka pa rin. Paminsan-minsan ay maaari namang kontrolin ang tics, pero mahirap, kaya ang mga may tourette syndrome ay hinahayaan na lang ang mga paggalaw.

Bilang isang TNVS driver ay laging nakararanas si Marlon ng “kurot” sa damdamin kapag ang nag-book na pasahero ay nagpapasyang bumaba na lang dahil natatakot sa kondisyon niya.

Tuwa at saya naman ang nararamdaman niya sa mga pasaherong nakauunawa at nagbibigay ng kanilang tiwala sa kanyang kakayahang magmaneho ng sasakyan sa kabila ng kanyang kondisyon.

Isang maliit na placard ang isinabit niya sa kanyang sasakyan kung saan nakasaad na mayroon siyang tourette syndrome. Ito ay upang hindi raw magtaka o matakot ang pasahero kapag nakikita ang “kakaiba” niyang kilos habang nagmamaneho.

Screenshot mula sa GMA video

Tinitiyak naman niya  na ligtas niyang maihahatid ang mga pasahero sa kanilang pupuntahan.

Sa kagustuhang maipaliwanag sa mga tao ang tourette syndrome ay gumawa si Marlon ng YouTube channel – ang Marlon Fuentes TV. Ipinaliliwanag niya sa mga videong ginawa kung ano ang kanyang kondisyon.

Ipinakikita niya sa kanyang vlog ang mga karanasan niya sa iba’t ibang uri ng mga pasaherong naisasakay niya.

Ang YouTube channel ni Marlon ay nagbibigay din ng inspirasyon sa mga kagaya niyang may tourette syndrome.

Samantala, narito ang feature sa kanya ng Kapuso Network:

Source :

YouTube, GMA

Loading…