DTI isinusulong ang online payment at SIM card registration upang matigil na ang fake delivery bookings

Imahe mula sa Pilipino Mirror
  • Isinusulong ng DTI ang paggamit ng online payment at registration ng SIM card
  • Ito ay upang matigil na ang mga insidente ng fake delivery bookings
  • Nakabinbin pa sa Senado ang panukalang SIM registration, samantalang ang bersyon ng House of Representatives  ay naipasa na sa ikatlo at huling pagbasa noon pang 2018

Dahil sa matagal nang lockdown na umiiral sa bansa sanhi ng pandemya ay naging normal na ang pagbili ng mga pangangailangan kabilang ang pagkain gamit ang mga delivery apps at online selling platforms.

Screenshot mula sa GMA video

Kasabay nito ay ang pagtaas ng mga insidente ng mga fake bookings.

Upang matigil ang mga ganitong pangyayari ay isinusulong ng Department of Trade and Industry (DTI) paggamit ng online payment at ang registration ng Subscriber Identity Module o SIM card ng mga cellphone.

“Well, dito ho ay actually amin hong ini-encourage ang online payment para talagang maiwasan itong mga fake bookings, ibig sabihin mabayaran na ang itong mga binibili,” paliwanag ni Sec. Lopez.

Sa registration naman ng mga SIM card ay tiyak na matutunton kung sino ang may-ari ng cellphone  o SIM card na ginamit sa fake delivery bookings.

“Pangalawa isa ring panukala natin ipina-follow up ko nga rin ito eh ‘yung registration nung mga cellphone cards, ‘yung mga anong tinatawag dito, ‘yung SIM card para talaga may traceability kung sino ho ‘yung may intention o ‘yung mga nanlilinlang o nanloloko dito ho sa mga online transaction na ito,” sabi ni Trade Secretary Ramon Lopez.

Imahe mula sa DTI

“Resulta ito ng hindi sila nate-trace maaaring pwedeng naano ‘yan, nagpa-prank call o nanloloko sila so nakakagulo sila. At unfortunately, naaapektuhan ‘yung mga maliliit na negosyo rito so kawawa naman ho,” dagdag  pa ng kalihim.

Kasalukuyan pang nakabinbin sa Senado ang panukalang SIM registration, samantalang ang bersyon ng House of Representatives sa naturang panukala ay naipasa na sa ikatlo at huling pagbasa noon pang 2018.

Imahe mula sa Dailypedia

Nauna nang hiniling ni Deputy House Speaker Bernadette Herrrera sa National Bureau of Investigation na imbestigahan ang mga nangyayaring fake delivery bookings.

Source :

GMA , Inquirer

Loading…