Duterte paninindigan ang karapatan sa WPS pero ‘di gagamit ng dahas kontra Chinese vessels

Imahe mula sa Inquirer
  • Paninindigan ng Pangulo ang karapatan ng bansa sa West Philippine Sea
  • Subalit hindi ito umano isang bagay na kailangang gamitan ng dahas
  • Naniniwala rin ang Palasyo na maaayos nang matiwasay ang gusot sa Julian Felipe Reef

Suportado ng  Malakanyang ang panawagan ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na lumayas na sa Julian Felipe Reef ang mga sasakyang pandagat ng China na nakahimpil doon simula pa noong nakaraang buwan.

Ganun pa man, naniniwala ang Palasyo na maaayos ang gusot na ito sa West Philippine Sea nang matiwasay at hindi ito isang bagay na kailangang gamitan ng dahas.

Imahe mula sa Xinhua

Magugunitang naglabas ng saloobin si Lorenzana kung saan sinabi nitong hindi siya mauuto ng China at kailangang ipaliwanag ng komunistang bansa kung bakit mayroon pa ring 44 Chinese vessel sa Julian Felipe Reef.

“Of course, the President stands by the statements of our Secretary of Defense,” ani Presidential Spokesperson Harry Roque sa panayam ng CNN Philippines kamakailan.

Ayon pa kay Roque, ang presensiya ng mga barko ng China sa WPS ay hindi kailangang mauwi sa digmaan sa pagitan ng dalawang magkaibigang bansa.

Imahe mula sa PNA

Subalit hindi rin umano isasakripisyo ni Pangulong Rodrigo Duterte na ang teritoryo ng Pilipinas na nasa loob ng exclusive economic zone (EEZ) ng bansa.

“Eto po yung kanyang nabanggit na salita sa UN General Assembly. Hindi po natin isasakripisyo, hindi natin ipamimigay ang ating national territory at ang ating mga exclusive economic zone,” pahayag muli ni Roque sa kaniyang press briefing.

Tiwala rin daw ang Pangulo na mangingibabaw ang pagiging magkaibigan ng China at Pilipinas at hindi na ito hahantong pa sa marahas na sitwasyon.

Julian Felipe Reef| Imahe mula sa Wikipedia

“Ang posisyon po ng Presidente, paninindigan natin ang ating karapatan pero hindi po to isang bagay para tayo po ay gumamit ng dahas. Kampante po ang ating Presidente na dahil nga po meron tayong malapit na pagkakaibigan mareresolba ang hidwaan na ‘to,” dagdag pa ng kalihim.

Nitong Lunes ay naglabas din ng pahayag ang Department of Foreign Affairs (DFA) para kondenahin ang naging reaksiyon ng Chinese embassy sa pahayag ni Lorenzana kung saan tinawag itong ‘unprofessional remark’ mula sa isang opisyal.

Sa statement ng DFA, pinaalalahanan nito ang Chinese embassy na sila ay bisita lamang sa Pilipinas kaya dapat ay matutong gumalang sa mga opisyal ng bansa.

Loading…