ECQ dapat manatili hangga’t maraming isinusugod sa pagamutan dahil sa COVID – Medical expert

Imahe mula sa PTV
  • Iminungkahi ng medical expert mula sa NTF na dapat manatili ang ECQ habang hindi bumababa ang bilang ng mga pasyenteng dinadala sa mga pagamutan dahil sa COVID-19
  • Ang pagpapatupad umano ng ECQ sa NCR+ areas ay hindi lang para makontrol ang pandemya kundi upang bigyan din ng proteksyon ang health system ng bansa
  • Isinasaalang-alang din daw ang COVID-19 reproduction rate at ang test positivity rate kung kailan dapat alisin ang ECQ

Ang pagpapatupad ng enhanced community quarantine (ECQ) na NCR+ areas ay dapat tuluy-tuloy hanggang hindi bumababa ang bilang ng mga pasyenteng isinusugod sa mga pagamutan sanhi ng COVID-19 infection.

Screenshot mula sa DZBB

Ito ay ayon kay Dr. Ted Herbosa, isang medical expert na member ng National Task Force Against COVID-19, kasunod ng deklarasyon ng isang linggong pagpapalawig sa ECQ na ipinatutupad sa Metro Manila at apat na kalapit na probinsya.

“Tinitingnan ko rin ‘yung hospitals. Kapag hindi kaya ng hospitals, hindi muna natin dapat i-lift ‘yung ECQ,” pahayag ni Dr. Herbosa sa isang panayam.

Paliwanag niya, ang pagpapatupad ng ECQ sa NCR+ areas ay hindi lang para makontrol ang pandemya kundi upang bigyan din ng proteksyon ang health system ng bansa na hindi humantong sa “overcapacity.”

Aniya, muling ipinairal ang ECQ dahil napupuno na ang mga pagamutan sa dami ng mga COVID-19 patients.

Binanggit pa niya ang mga napaulat na mga pasyenteng naghintay ng ilang araw para lang matanggap sa pagamutan, na ang iba ay iginupo na ng COVID-19 habang naghihintay sa loob ng mga tent.

Imahe mula sa Manila PIO

Aniya, isinasaalang-alang din ang COVID-19 reproduction rate at ang test positivity rate kung kailan dapat alisin ang ECQ.

Ang COVID-19 reproduction number sa kasalukuyan ay nasa pagitan ng 1.4 at 1.8. Dapat daw ay bumaba ito sa less than 1 upang makontrol ang pagkalat ng coronavirus. Kasabay nito, dapat rin umanong bumaba sa 5% ang test positivity rate na ngayon ay nasa 24%.

“’Yung test positivity rate, bababa ‘yan kapag naa-isolate mo ‘yung super spreader. Kapag naa-isolate mo sila, siyempre makakapagbaba ng hawaan. So, ang hinahanap natin diyan is nasa below 5% para tumigil ‘yung pagkalat,” paliwanag ni Dr. Herbosa.

Sa pinakahuling datos na inilabas ng Department of Health nitong alas-kwatro ng hapon, ika-4 ng Abril, ang bansa ay nakapagtala ng 11,028 new cases ng COVID-19.

Imahe mula sa DOH
Source :

MSN, Remate

Loading…