ECQ sa NCR+ extended ng isang linggo

Imahe mula sa PNA
  • Extended ng isang linggo ang ipinatutupad na ECQ sa NCR+
  • Ang extended ECQ ay tatagal hanggang sa ika-11 ng Abril
  • Ang implementasyon ng “Prevent, Detect, Isolate, Treat and Reintegrate” strategy sa paglaban sa COVID-19 ay paiigtingin sa ilalim ng ECQ

Pinalawig pa ng isang linggo ang enhanced community quarantine (ECQ) sa NCR+ areas na kinabibilangan ng National Capital Region (NCR) o Metro Manila, Cavite, Laguna, Rizal at Bulacan. Nakatakdang matapos ang naunang ECQ sa Linggo, ika-4 ng Abril.

Imahe mula sa PNA

Inanunsyo ni Presidential Spokesperson Harry Roque na ang pinalawig na ECQ sa NCR+ areas ay magtatagal hanggang ika-11 ng Abril.

“Nagrekomenda po ang inyong IATF na pahabain pa ang ECQ ng minimum na isang linggo sa buong Metro Manila at mga probinsya ng Laguna, Bulacan, Cavite at Rizal. Karagdagang linggo, minimum of one additional week beginning on the 5th,” pahayag ni Secretary Roque.

Aniya, inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang rekomendasyon ng IATF.

Sinabi pa ni Roque na ang implementasyon ng “Prevent, Detect, Isolate, Treat and Reintegrate” (PDITR) strategy sa paglaban sa COVID-19 ay paiigtingin sa ilalim ng ECQ.

“Kinakailangang paigtingin po yung ating tinatawag na PDITR o ‘yung ating prevention, detection, isolation, tracing at reintegration at dahil dito po, nire-require po natin ngayon na magkaron ng daily monitoring ang lokal na pamahalaan, ang ating mga NTF czars para po malaman natin kung ano ang resulta ng pinaigting na PDITR,” anang tagapagsalita ng Pangulo.

Imahe mula sa PNA

Kabilang sa PDITR strategy ang pagbabahay-bahay upang hanapin ang mga taong may sintomas ng COVID-19 upang maisailalim sila sa PCR testing at isolation.

Sinabi pa ni Sec. Roque na kung magiging epektibo ang 1 week extension ng ECQ ay posibleng ibaba sa modified ECQ ang klasipikasyon ng community quarantine sa NCR+ areas.

Loading…