FDA nagbigay ng permit sa isang pagamutan para sa compassionate use ng Ivermectin kontra COVID-19

Imahe mula sa Tribune
  • Isang pagamutan ang nabigyan ng FDA ng compassionate use permit ng Ivermectin para sa COVID-19 patients
  • Ang Ivermectin ay aangkatin ng pagamutan sa pamamagitan ng licensed importer
  • Ang pagamutan lang ang maaaring gumamit ng aangkating Ivermectin at hindi iyon maaaring ibenta sa mga pamilihan

Isang pagamutan ang binigyan ng Food and Drug Administration (FDA) ng permiso para sa compassionate use ng Ivermectin, na isang anti-parasitic medicine, para gamitin sa mga pasyenteng may COVID-19  infection.

Screenshot mula s Inquirer video

“Meron na po kaming na-grant dahil nga po ang Ivermectin ay isang investigational product. Alam naman nating may mga clinical trials ongoing dito para gamitin against COVID-19, so ang pagkakaalam ko po, may isang ospital sa amin nag-apply ng compassionate special permit for the use of Ivermectin at ito po ay na-grant na ngayong araw na ito,” pahayag ni FDA Director General Eric Domingo nitong Huwebes, April 8, sa Laging Handa briefing.

Ang compassionate use permit ay inisyu kahit na hindi inirerekomenda ng FDA at ng Department of Health ang Ivermectin bilang panlunas sa COVID-19 dahil sa kakulangan ng sapat na pag-aaral na nagpapatunay na mabisa iyon na panlaban sa coronavirus.

Ipinaliwanag ng FDA na ang pagamutan na binigyan ng compassionate use permit ay mag-i-import ng Ivermectin sa pamamagitan ng isang licensed importer.

“’Yung ospital ang bibili, meron siyang licensed importer na mag-i-import para sa kaniya nitong gamot na ito na rehistrado sa ibang bansa,” paliwanag ni Domingo.

Ang Ivermectin na aangkatin mula sa ibang bansa ay para lang magamit ng pagamutan na binigyan ng permit. Hindi umano iyon maaaring ipagbili sa mga pamilihan.

Imahe mula sa RebelEm

Ang Ivermectin ay hindi rehistrado sa Pilipinas para gamitin sa tao. Nakarehistro ito bilang isang anti-parasitic medication para sa mga hayop.

Ipinahayag din ni Domingo na may dalawang kumpanya na ang nag-aaply ng certificate of registration para sa Ivermectin na para sa mga tao.

“So, binigyan na rin po sila ng listahan ng mga requirements na kailangang isubmit para po umandar ang kanilang application at ma-evaluate,” aniya.

Source :

Inquirer, YouTube

Loading…