Flight attendant sinurpresa ng wedding proposal ng kaniyang nobyo sa loob mismo ng eroplano

  • Isang wedding proposal ang naganap mismo sa isang eroplano
  • Ang nobya ay isang flight attendant na on-duty nang mga panahong iyon
  • Naging saksi ang lahat ng mga pasaherong nasa loob ng eroplanong iyon; suportado rin ito ng mga kasamahan ng flight attendant

“Love is in the air,” wika nga. Subalit literal na naranasan ito ng isang flight attendant matapos siyang surpresahin ng kaniyang nobyo, matapos itong lumuhod sa kaniyang harapan, buksan ang hawak na kahita na kinalalagyan ng engagement ring, at alukin siya ng kasal, sa loob mismo ng eroplano. May mga nakalatag na rosas sa sahig at pa-tarpaulin pa mula mismo sa airlines!

Mahigit 100 pasahero ang nakasaksi sa in-flight wedding proposal na ito “33,000 feet above the sea level.” Sa video na ibinahagi ng Philippine Star, makikitang umiiyak na ang flight attendant na si Amarie Joy Catalan dahil sa labis na pagkabigla. Maririnig naman ang pagpapakilala ng kaniyang nobyo na si Mark sa mga pasahero.

Imahe mula sa Philippine Star

“Good afternoon to all passengers. Here I am 36,000 feet above sea level, telling the whole world, that it is because of you. You are a treasure that I’ll forever keep. Mahal na mahal kita,” saad ni Mark.

Maya-maya, lumuhod na si Mark at binuksan na ang kahita ng singsing.

“Amarie Joy Catalan, will you give me the honor of being my better half, carrying my last name, being the future mother of my baby? Will you marry me?” tanong ni Mark.

Isang malaking YES naman ang tugon ng flight attendant, at maririnig na ang hiyawan at kantiyawan ng mga pasaherong nakasaksi sa naturang wedding proposal.

Umani naman ito ng iba’t ibang reaksyon at komento mula sa mga netizens.

“Congratulations po! Hopefully po mapanindigan talaga hanggang dulo, at huwag pur publicity lang ang ka-sweetan,” saad ng isa.

Turan naman ng isa, “Ang saya naman… amidst all the difficulties we all face due to the pandemic, may mababasa kang ganito! Congratulations to the couple!”

“Wishing you both all the best in this world! God bless!” pagbati naman ng isa.

Imahe mula sa Philippine Star

Naganap ang naturang wedding proposal noong Marso 26, 2021, sa flight pabalik ng Maynila. Nagpasalamat naman si Mark sa suportang ibinigay ng kompanya gayundin sa mga kasamahang flight attendant ng kaniyang nobya, na ngayon ay fiancee na niya.

Pagbati sa newly engaged couple!

Loading…