Floyd Mayweather-Logan Paul exhibition match tuloy na sa Hunyo 6

Imahe mula sa Famous People/DAZN
  • Matutuloy na ang paghaharap sa ring nina Floyd Mayweather at Logan Paul sa darating na Hunyo
  • Naunsyami ang kanilang laban na dapat sana ay noong Pebrero magaganap
  • Maliban sa petsa at lugar, wala pang karagdagang detalye tungkol sa nasabing laban

Matapos maantala nang halos apat na buwan, tuloy na ang paghaharap sa ring nina undefeated at retired American champion Floyd Mayweather Jr. at You Tube sensation-turned-boxer Logan Paul.

Ang exhibition match ng dalawang sikat na personalidad ay nakatakda na sana noong Pebrero 20 subalit hindi ito natuloy.

Nitong Martes ay kapwa inanunsiyo nina Mayweather at Paul sa kani-kanilang social media accounts ang kanilang magiging tunggalian sa Hunyo 6 sa Hard Rock Stadium sa Miami, Florida.

Screenshot mula sa Instagram

Ang naturang laban, na tinaguriang ‘Bragging Rights’ ay mapapanood via pay-per-view sa Showtime at Fanmio.

“Logan Paul and I are going to fight at Hard Rock Stadium. Mayweather Promotions, Fanmio and Showtime will team up to give you an epic event,” ani Mayweather sa kaniyang Instagram.

“It’s finally official… fighting @FloydMayweather at the Hard Rock Stadium in Miami on Sunday, June 6,” wika naman ni Paul sa kaniyang Twitter post.

Ang 44-anyos na si Floyd Mayweather Jr. (50-0, 27 KOs) ay huling lumaban noong 2017 kontra MMA star Conor MacGregor sa T-Mobile Arena sa Las Vegas kung saan tinalo niya ang huli para sa kaniyang ika-50 panalo sa kaniyang karera.

Muli siyang umakyat sa ring noong 2018 para harapin si Japanese kickboxer Tenshin Nasukawa subalit iyon ay isa lamang exhibition match.

Sa kabilang banda, si Logan Paul (0-1 0 KOs), 26 anyos ay tinalo ng isa pang You Tuber na si KSI noong Nobyembre 2019. Siya ay nakatatandang kapatid ni Jake Paul an kamakailan lamang ay pinatumba sa first round si Ben Askren via knockout.

Samantala, wala pang pormal na anunsiyo kung ilang round ang magiging laban nina Mayweather at Paul at kung anong klaseng gloves ang gagamitin. Ang karagdagang detalye ay maaaring ilabas ng kanilang kampo sa mga susunod na linggo.

Loading…