Gamot sa hika napabibilis ang recovery time ng may mild symptoms ng COVID-19

Imahe mula sa Coherent Market Insights
  • Batay sa pag-aaral na ginawa sa United Kingdom, nakatutulong para sa mas mabilis na recovery ng mga may mild symptoms ng COVID-19 ang budesonide
  • Ang budesonide ay gamot na ginagamit para sa mga taong may hika
  • Noong nakaraang taon ay nagbabala ang DOH sa paggamit ng budesonide bilang panlunas sa COVID-19

Napapabilis ng budesomide, isang uri ng gamot para sa hika, ang paggaling ng mga taong may mild symptoms ng COVID-19, ayon sa isang pag-aaral na ginawa sa United Kingdom.

Imahe mula sa GoodRx

Kapag maaga umanong napasinghot ng budesonide ang pasyenteng may mild symptoms ng COVID-19 ay malaki ang tsansa na hindi na ito kailangang dalhin sa pagamutan upang bigyan ng medical care.

Napabibilis din umano nito ang paggaling mula sa early stage ng COVID-19.

“Early administration of inhaled budesonide reduced the likelihood of needing urgent medical care and reduced time to recovery after early COVID-19,” saad ng The Lancet journal article tungkol sa ginawang pag-aaral sa budenoside.

Batay sa ginawang pag-aaral, mas mabilis ang pag-recover ng mga pasyenteng binigyan ng budenoside kaysa sa mga pasyenteng hindi binigyan nito. Mas kaunti lang din ang bilang ng mga araw na nilagnat ang binigyan ng naturang gamot sa hika.

Samantala, noong nakaraang taon ay nagbigay ng babala ang Department of Health (DOH) hinggil sa paggamit ng budesonide bilang panlunas sa COVID-19.

Sinabi ng DOH na ito ay karaniwang ginagamit para sa mga taong may hika. Tinutulungan umano ng budesonide na maiwasan ang pamamaga ng baga ng pasyenteng may asthma, subalit wala pang katunayan na ligtas itong gamitin sa COVID-19.

Imahe mula sa DOH Philippines

“Pagdating sa COVID-19, wala pang mga pag-aaral na nagpapatunay na ito ay ligtas at mabisa. Kinakailangan muna itong masuri ng mga eksperto upang malaman kung maaari ba itong gamitin para sa COVID-19,” post ng DOH sa Facebook page nito noong July 16, 2020.

Pinaalalahanan ng ahensya ang lahat na huwag gumamit ng budesonide kung walang reseta mula sa doktor.

Loading…