Ginang na nagbigay ng mga gulay sa halip na kumuha sa community pantry nagdulot ng inspirasyon

  • Nagdulot ng inspirasyon ang isang ginang sa Pamplona, Cagayan Valley
  • Sa halip kasi na kumuha siya sa community pantry, nagbigay siya ng kaniyang mga ambag na gulay
  • Binigyan naman siya ng grocery items at ayudang pinansyal ng mga organizers nito

“Ask not what your country can do for you—ask what you can do for your country.”

Ang pahayag na iyan ni dating US President John F. Kennedy ay isa sa mga pinanghahawakang prinsipyo ng Sangguniang Kabataan o SK President na si Anford Aquino mula sa isang barangay sa Pamplona, Cagayan Valley, lalo na’t nagsagawa rin sila ng kanilang community pantry sa kanilang pamayanan.

Imahe mula sa Facebook account ni Anford Aquino

Subalit hindi niya akalain, sampu ng kaniyang mga kasama, na isang ginang ang nagbigay ng mga gulay sa community pantry, sa halip na kumuha rito. Naghatid ito ng inspirasyon sa kanila, lalo na nang malaman nilang nagmula ito sa mahirap na pamilya, at may maliliit pang mga anak.

“Hindi ko ma-explain ang nararamdaman ko, may gan’ung tao pa pala na kahit walang-wala na, magbibigay pa rin,” saad ni Aquino.

Samantala, isa sa mga kakilala naman ni Aquino na si ‘Mark Ian’ ang na-inspire sa naturang akto ng pagbibigay.

“Ang diwa ng pagkakaisa at bayanihan ay hindi nasusukat sa estado ng iyong pamumuhay, bagkus nasusukat ito sa kung paano mo tanggapin ang hamon ng pagtulong sa kapwa mo,” aniya.

“Maraming salamat po, Manang sa iyong ibinahagi sa Community Pantry ng Centro,  Pamplona, Cagayan. Maraming- maraming salamat po! Pag-uwi ko pupuntahan po kita at ang iyong pamilya upang makapag-abot din ng sukli sa iyong napakagandang kalooban.”

Imahe mula sa Facebook account ni Anford Aquino

Umani naman ito ng iba’t ibang reaksyon at komento mula sa mga netizens.

“Kung sino pa ang walang-wala, sila pa ang nagbibigay at hindi nagrereklamo!” wika ng isa.

Turan naman ng isa, “Iyan ang tunay na diwa ng community pantry, ibahagi mo rin sa iba kung ano yung marami ka at kung ano meron ka huwag yung hakot lang nang hakot. Kaway-kaway sa mga gahamang politiko na nagpapakasasa sa pera ng bayan, matablan naman sana kayo ng hiya sa katawan!”

“Talagang lumalabas ang pagiging matulungin nating mga Pilipino, kanina isang ginang ang nakasabay namin nang maghatid kami ng aming munting tulong, napatingin kami ng asawa ko sa dala niya, mga tali-taling malunggay, nakakahanga kasi kahit sa munti niyang paraan ay nais niyang makatulong sa kapwa nating mas kailangan,” sabi naman ng isa.

Kaya bilang sukli sa kabutihan ng ginang, nagpaabot ng pagtulong ang organisasyon nina Anford ng ilang grocery items para sa kaniya.

Isa na namang akto ng pagtutulungan na talaga namang kahanga-hanga at nagdudulot ng inspirasyon sa kapwa!

Loading…