Gobyerno kikita ng nasa P21-B sa 100 bagong mining projects sa bansa – DENR

Imahe mula sa Wikipedia
  • Kikita ang gobyerno ng nasa P21-B mula sa 100 bagong mining projects
  • Ito ay matapos tanggalin ng Palasyo ang moratorium sa open pit mining
  • Bagama’t dismayado ang mga environmentalist, ikinatuwa naman ito ng grupo ng mining companies sa bansa

Kikita ang pamahalaan ng aabot sa P21-B kapag nabuksan na ang bagong 100 mining projects batay sa pagtataya ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).

Magugunitang tinanggal na ng Malakanyang ang mining ban na ipinatupad simula pa noong 2012 sa pag-asang makatutulong ito upang muling sumigla ang ekonomiya subalit ikinadismaya naman ng mga environmental groups.

Imahe mula sa engoo.mx

Sa 100 bagong proyektong ito, 35 umano ay inaasahang tuloy na ang phase one habang ang natitirang 65 ay susunod na rin sa mga darating na buwan, ayon kay DENR Undersecretary Jonas Leones.

“We’re now in the process of evaluating ‘yung mga naka-pipeline projects natin,” ani Leones.

Kabilang na rito ang Silangan Mining sa Surigao na nangangailang ng $700 na pondo. Subalit sa ngayon, ayon kay Leones, hindi pa ito napagtutuunan ng pansin dahil maraming pang problemang kinahaharap ang bansa at wala pang mapagkunan ng pondo

DENR USec. Jonas Leones| Imahe mula sa Twitter

Isa rin daw ito sa inaasahan ng pamahalaan na magiging daan para masolusyunan ang problema sa pinansiyal ng bansa.

Ganun pa man, inamin ni Leones na hindi kaaagad mararamdaman ang magandang epekto ng mining projects sa ekonomiya. Posible lamang daw ito sa loob ng isa hanggang limang taon kapag mayroon nang income na pumapasok.

Pinawi rin ng DENR official ang pangamba ng mga environmentalist tungkol sa panganib na dulot ng proyekto sa kalikasan.

Silangan Mining, Surigao| Imahe mula sa Collectiff item

“Hindi lang naman pag-extract lang ito. Lagi nating inuulit pa rin yung environmental compliance para masiguro natin na balanced yung economic aspect at environmental aspect,” pagtitiyak ni Leones.

Nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong nakaraang linggo ang EO 130 na nagbigay-daan para ma-lift ang siyam na taong moratorium sa open pit mining sa bansa.

Ikinatuwa naman ito ng grupo ng mining companies na umaasang ang hakbang na ito ay makatutulong sa pagbangon ng ekonomiya na inilugmok ng pandemiya sa COVID-19.

Loading…