Gov. Remulla may pasaring kay Mayor Isko hinggil sa pamamahagi ng ayuda sa Naic

Imahe mula sa Facebook
  • Mistulang may namumuong alitan sa pagitan nina Remulla at Yorme
  • Nag-ugat ito sa naging pahayag ni Mayor Isko laban sa alkalde ng Naic
  • Ito ay tungkol sa pamamahagi ng ayuda sa mga nag-relocate mula sa Maynila

Tila may namumuong iringan sa pagitan nina Cavite Gov. Jonvic Remulla at Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso na nag-ugat sa pamamahagi ng ayuda sa bayan ng Naic.

Nagsimula ito matapos ang naging pahayag ni Mayor Isko sa isang panayam kung saan kinastigo ng alkalde si Naic Mayor Jun Dualan dahil sa hindi o pagkaantala ng pamimigay ng ayuda sa mga residente na nag-relocate mula sa Manila.

Screenshot mula sa Facebook video ni Gov. Remulla

Ani Yorme, nagpadala na siya ng ayuda sa mga relocatees noong ECQ kahit hindi na ito botante ng Maynila. Ito rin sana ang inaasahan niyang gagawin ng alkalde ng Naic sa ngayon.

“Alam mo style kasi ng trapong politiko ‘yan eh. ‘Yung botante, hindi botante. Tutal doon na sila nakatira, next time magpa-rehistro na sila doon sa bayan na ‘yun hindi dahil para iboto ‘yung loko-loko na ‘yun,” ayon pa kay Mayor Isko.

Imahe mula sa Facebook- Mayor Isko Moreno

Hindi naman ito pinalampas ni Remulla at idinaan sa kaniyang Facebook ang pasaring kay Yorme para ipagtanggol si Dualan.

Paliwanag ng gobernador, kaya daw hindi agad nabigyan ng ayuda ang mga galing Maynila ay dahil kulang ang pondong ibinigay sa kanila ng national government.

Kung titingnan umano ay napakalayo ng annual budget ng Maynila (P20-B) sa Naic (P380-); at maging ang SAP allocation ng Maynila (P1,523,278,000) kumpara sa Naic (P115,822,000).

Screenshot mula sa Facebook/ Gov. Remulla

Huwag naman daw sanang sabihin ni Mayor Isko na hindi nila iniintindi ang mga taga-Maynila dahil kahit paano ay naghahanap sila ng paraan para sa kanilang 4.2 milyong populasyon ng Cavite.

“Yorme, alam ng lahat ang ambisyon mong maging Pangulo. Wala namang isyu don. Libre mangarap ang kahit sino,” ayon pa kay Remulla.

“Pero sana ay huwag mong tapakan ang iba para lamang umangat ka. Hindi ka pa nga Pangulo ay ang yabang mo na,” patuloy ng gobernador.

Screenshot mula sa Facebook/ Gov. Remulla

Sa huli ay mistulang nagbitiw pa ng hamon ang gobernador laban sa alkalde.

“Kung pagpapasikat lang ang gusto mo? Hindi mo kailangan mang-apak ng Caviteño. Wag kaming mga Caviteño ang pag-initan mo. Hindi ka namin uurungan,” anito.

Sa kasalukuyan ay hindi pa naglalabas ng pahayag si Mayor Isko para sagutin ang pasaring ni Remulla.

Loading…