Groom muntik nang maikasal sa ibang bride matapos dalhin ng Google Maps sa maling venue

Screenshot mula sa Instagram video
  • Isang lalaki ang muntik nang maikasal sa maling bride dahil naligaw ng venue
  • Mali umano ang address na itinuro sa kanila ng Google Maps
  • Nagkataon naman na may idinadaos ding kasal sa bahay na kanilang napuntahan

Sa panahon ngayon, maraming tao ang gumagamit at umaasa sa mga navigation apps tulad ng Google Maps at Waze upang makarating sa kanilang destinasyon.

Subalit gaano nga ba talaga ka-reliable ang mga ganitong navigation apps?

Screenshot mula sa Instagram video

Batay sa karanasan ng isang lalaki sa Indonesia noong Abril 4, minsan ay ituturo ka rin ng mga ito sa maling direksiyon at walang pinakamagandang gawin kung hindi ang magtanong.

Ayon sa ulat ng Tribunnews, isang groom ang muntik nang maikasal sa ibang bride matapos silang dalhin sa isang bahay na itinuro ng Google Maps sa kanila gamit ang GPS.

Nagkataon namang may idinadaos ding kasal sa nasabing venue kaya buong akala ng lalaki ay nasa tama silang lokasyon sapagkat iyon ang naka-highlight sa kanilang app.

Bitbit ang entourage, mga regalo at pagkain, kumpiyansang pumasok ang lalaki at kaniyang mga kaanak sa bahay at saka nagkaniya-kaniyang hanap ng upuan.

Imahe mula sa Indiamart

Buong akala naman umano ng mga nasa bahay ay pamilya ng kanilang groom ang dumating kaya binati pa nila ang mga ito.

Hindi naman nabanggit kung paano nadiskubre ang pagkakamali subalit lumabas ang isang video kung saan makikitang nagsilabasan na sa bahay ang lalaki at ang kaniyang entourage, bitbit pa rin ang mga regalong nailapag na sana nila.

Makikita pang nahihiyang nagpaliwanag ang lalaki sa mga nagtatawanang guests bago ito kumaway sa camera at tuluyan nang tumalilis.

Screenshot mula sa Instagram video

Kuwento naman umano ng totoong bride ng lalaki na si Ulfa, 27 anyos, siya ay late rin sa kanilang kasal kaya hindi nila napansin na naliligaw na pala ang kaniyang groom.

Iginiit niya ring tama ang naka-pin na address ng kanilang venue at ang pagkakamaling nangyari ay dahil sa Google.

Sa kabila ng lahat, natuloy pa rin naman ang kanilang kasal subalit maaaring nagdadalawang-isip na ang mag-asawa na muling gumamit ng Google Maps sa mga susunod na pagkakataon.

I-click ang imahe sa ibaba upang mapanood ang video:

Loading…