Grupo ng pharmacists nababahala sa ‘reseta’ ng Ivermectin sa QC; DOH nais itong paimbestigahan

Imahe mula sa Facebook
  • Namahagi ng Ivermectin ang dalawang kongresista para sa mga residente ng Quezon City
  • Nabahala naman ang grupo ng pharmacists dahil sa ‘reseta’ na ipinamigay
  • Maging ang DOH ay nais din itong paimbestigahan

Nababahala ang grupo ng pharmacists sa bansa tungkol sa ‘reseta’ na kasama ng ipinamahaging Ivermectin ng dalawang kongresista para sa mga residente ng Quezon City nitong Huwebes.

Batay sa kumalat na larawan sa social media ng mga naturang reseta, tila kulang ito sa detalye partikular na ang pangalan at license number ng doktor na pumirma rito. Ayon sa  Philippine Pharmacists Association (PPA), ito ay isang paglabag sa Republic Act 10918 o ang ‘Philippine Pharmacy Act’.

Imahe mula sa Facebook

“Lubos po kaming nababahala sa paraan ng pamimigay ng Ivermectin bilang panangga laban sa COVID-19. Malinaw po ‘yon na mga violative prescription kung ‘yon ang ginagamit nila,” turan ni PPA president Gilda Saljay sa panayam ng Teleradyo.

Kapag nagkataon, wala umanong panghahawakan ang mga pasyente kung sakaling may hindi kanais-nais na mangyari sa kanila dulot ng naturang gamot.

“In the health-care practice, we always believe in accountability, lalo na po dito sa gamot na Ivermectin na under CSP o compassionate special permit,” wika pa ni Saljay.

‘Token prescription’ sa bond paper?

Maging si Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III ay nais ring paimbestigahan sa FDA ang resetang ibinigay sa mga nakatanggap ng Ivermectin sa QC. Hindi raw kasi maaari na isang ‘token prescription’ lamang ang ibibigay sa pasyente sapagkat malinaw sa batas ang nasasaad tungkol dito.

Imahe mula sa Twitter

“For example, all prescriptions must contain the name of the prescriber, office address, professional registration number, professional tax receipt number,” paliwanag ni Duque sa hiwalay na panayam.

“Kung totoo man ‘yun na nakalagay daw sa bond paper lang, so part of what the FDA needs to do is to investigate such reports. But the accountability is clear, it’s the doctor who prescribed it that must answer for his actions,” dagdag pa ng kalihim.

Sa kasalukuyan, limang pagamutan lamang sa bansa ang binigyan ng FDA ng compassionate use permit para gamitin ang Ivermectin sa pasyenteng may COVID-19.

Kaya paalala ni Duque, kailangang sundin ang protocol sa pag-prescribe ng Ivermectin base sa ibinigay na compassionate permit. Nakaabot rin umano sa kaniya ang mga ulat na kulang sa detalye ang resetang ipinamahagi sa QC.

Imahe mula sa Facebook

“Of course, I am alarmed and concerned if that is indeed verified to be true. Kasi sabi-sabi lang lahat eh. So we need evidence,” ayon pa sa opisyal.

Ang Ivermectin ay ipinamahagi nina Deputy Speaker at Sagip Partylist Rep. Rodante Marcoleta at Anakalusugan Partylist Rep. Michael Defensor na nagbabala pa na dadalhin nila sa korte ang usapin kapag sila ay pinigilan ng mga awtoridad.

Loading…