Gusot sa Julian Felipe Reef hindi makaaapekto sa ‘vaccine cooperation’ ng Pinas at China – Palasyo

Imahe mula sa PIA
  • Tiniyak ng Palasyo na hindi makaaapekto sa ‘vaccine cooperation’ ng Pinas at China ang hidwaan sa WPS
  • Naniniwala rin ang Palasyo na mareresolba nang mapayapa ang naturang gusot
  • Magkahiwalay daw ang usapin sa WPS sa kooperasyon ng dalawang bansa kontra pandemya

Tiniyak ng Malakanyang na hindi makaaapekto sa ugnayan ng Pilipinas at China, kabilang na ang ‘vaccine cooperation’ sa pagitan ng dalawang bansa, ang namumuong hidwaan sa Julian Felipe Reef sa West Philippine Sea.

Ginawa ng Palasyo ang pahayag sa gitna ng mga batuhan ng mabibigat na pahayag mula sa dalawang panig tungkol sa isyu ng nakahimpil na mga sasakyang pandagat ng China sa Julian Felipe Reef na nasa loob ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas.

Imahe mula sa Business Mirror

Sa kaniyang press briefing nitong Martes, muling inulit ni Presidential Spokesperson Harry Roque ang pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na patuloy na naniniwalang mareresolba nang mapayapa ang gusot sa WPS.

“We will continue to resolve the issues on Julian Felipe through diplomatic channels and peaceful means,” ayon kay Roque.

Anuman daw na hindi pagkakaunawaan sa pagitan ng dalawang bansa ay hindi makaaapekto sa kanilang bilateral relation kabilang na ang kooperasyon sa pagtugon sa pandemya.

Imahe mula sa Xinhua

“Whatever differences we have with China will not define our bilateral relations and it will not be an obstacle to the overall positive trajectory of our bilateral friendly relations and our deepening cooperation in the pandemic response, including vaccine cooperation and in post-pandemic economic recovery,” dagdag pa ng kalihim.

Muling sumiklab ang hidwaan sa WPS matapos mapaulat noong nakaraang buwan na may mahigit 200 Chinese vessels na naka-angkla sa Julian Felipe Reef.

Noong nakaraang araw ay naglabas ng maanghang na pahayag si Defense chief Delfin Lorenzana kung saan pinalalayas niya ang mga barko ng China sa lugar; bagay na inalmahan naman ng Chinese embassy at tinawag itong ‘unprofessional remark’ mula sa isang mataas na opisyal ng Pilipinas.

Screenshot mula sa ABS-CBN video

Kaugnay nito, naniniwala naman si vaccine czar Carlito Galvez Jr., na hiwalay na usapin ang gusot sa WPS sa kooperasyon ng dalawang bansa sa pagtugon sa COVID-19 pandemic.

“Separate po iyang issue na ‘yan. The Chinese government is joining us in fighting against COVID-19. It’s a fight of humanity. And talaga namang itong issue ng West Philippine Sea, iba po ‘yan,” ani Galvez.

Sa kabila nito, nangangamba ang ilang eksperto na ang sitwasyon sa Julian Felipe Reef ay maging mitsa para maulit ang nangyaring stand-off noon sa Scarborough Shoal taong 2012 na nauwi sa pagsagsampa ng reklamo ng Pilipinas sa international arbitration tribunal laban sa komunistang bansa.

Loading…