Ilan pang barko ng US parating na sa WPS; ‘freedom of navigation’ tuloy tuloy – PH envoy

USS Theodore Roosevelt Carrier Strike Group| Imahe mula sa Business Insider
  • May mga parating pang barko ang Amerika na maglalayag sa West Philippine Sea
  • Ito ay dahil patuloy umano ang ‘freedom of navigation’ ng US sa karagatang pinag-aagawan ng China at Pilipinas
  • Kasunod ito ng pagpasok ng USS Theodore Roosevelt Carrier Strike Group sa rehiyon noong nakaraang buwan

May mga parating pang barko ng Estados Unidos sa West Philippine Sea dahil patuloy ang ‘freedom of navigation’ na isinasagawa ng US sa karagatang pinagtatalunan ng ilang bansa sa Asia kabilang na ang Pilipinas at China.

Sa panayam ng GMA News kay Philippine ambassador sa Washington na si Jose Manuel Romualdez, kinumpirma ng envoy na asahang may mga darating pang barko ng US na maglalayag sa WPS sa mga darating na araw.

Amb. Romualdez| Imahe mula sa US-PH Society

“US’ freedom of navigation operations ay tuluy-tuloy yan. They’ve been increasing it in the past several months … precisely to protect the seaway there,” ani Romualdez.

Kasunod ito ng pagpasok ng USS Theodore Roosevelt Carrier Strike Group (TRCSG) sa rehiyon noong Abril 4 para magsagawa ng fixed and rotary-wing flight operations, maritime strike exercises, anti-submarine operations, coordinated and tactical training, at marami pang iba.

Ayon pa kay Romualdez, walang maaaring pumigil sa mga barko ng Amerika dahil itinuturing ang lugar na sakop ng ‘international waters’.

“Freedom of navigation, any vessel can pass through there without any harassment or any stop from any country,” dagdag pa ng envoy.

Nitong nagdaang mga araw ay patuloy na umiinit ang hidwaan sa pagitan ng China at Pilipinas dahil sa nakahimpil na US Chinese vessels sa Julian Felipe Reef na siyang dahilan upang maglabas ng maaanghang na pahayag ang dalawang panig.

USS Theodore Roosevelt Carrier Strike Group| Imahe mula sa Wikipedia

Kamakailan lamang ay hinabol umano ng Chinese coast guard ang bangkang sinasakyan ng ABS-CBN crew habang patungo ang mga ito sa Ayungin Shoal, isang maliit na islang nasa loob ng exculsive economic zone ng Pilipinas.

Tiniyak naman ng Defense Department na iimbestigahan nila ang insidente at ipaabot ito sa China kung kinakailangan.

Kaugnay nito, dati nang nagbabala ang Department of Foreign Affairs (DFA) na aaraw-arawin nila ang diplomatic protest kontra China hanggang sa umalis ang kanilang barko sa teritoryong pag-aari ng Pilipinas.

Source :

GMA News, Remate

Loading…