‘Indian variant’ ng COVID ‘di pa nade-detect sa Pinas –  DOH

Imahe mula sa DW
  • Wala pang naiuulat na ‘Indian variant’ sa Pilipinas, ayon sa DOH
  • Ganun pa man, pinag-aaralan na ngayon ang pagpapatupad ng travel ban sa India
  • Ang naturang variant ay dati nang na-detect sa US, Israel, Australia at iba pang bansa

Sa kasalukuyan, wala pang naitatala o nade-detect na kaso ng tinatawag na ‘Indian variant’ sa bansa, ayon sa pahayag ng Department of Health (DOH) nitong Lunes, Abril 26.

Sa ginanap na online press briefing, tiniyak ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na wala pang ganitong uri ng variant sa Pilipinas mula sa mahigit 5,000 kaso na na-sequence na.

Screenshot mula sa Inquirer video

“Dito po sa atin sa Pilipinas, we reviewed all of our records. Pinaaral din natin sa Philippine Genome Center. We have not detected yet this kind of variant across the 5,000 na na-sequence na po natin na mga specimen dito sa bansa,” bahagi ni Vergeire.

Kaugnay nito, pinag-aaralan na rin umano ng IATF, DOH at Department of Foreign Affairs (DFA) ang posibilidad na magpatupad ng travel ban sa India sa gitna ng lumulubong COVID cases sa naturang bansa nitong mga nagdaang linggo.

“Pinag-aaralan ngayon ng Inter-agency Task Force (IATF) on COVID variants itong sinasabing Indian variant and nagkaroon na rin tayo ng initial discussion with the Department of Foreign Affairs,” ayon pa kay Vergeire.

Imahe mula sa India Today

Hinihintay na lang umano ang rekomendasyon ng DOH mula sa mga eksperto tungkol sa usaping ito.

Ang ‘Indian variant’ ang itinuturong dahilan kung bakit muling dumami ang nahawahan sa India; dahilan para muling magpatupad ng mas mahigpit na lockdown ang gobyerno doon.

Lubhang mapanganib umano ito dahil sa pagiging ‘double mutant’ na ang ibig sabihin ay mayroong dalawang ‘notable mutations’ sa spike protein ng virus na siyang sanhi upang mas mabilis makapasok sa katawan ng tao at higit na madali rin itong dumami.

Imahe mula sa India Today

Nito lamang Linggo, Abril 25, ay nakapagtala na ang New Delhi ng 349,691 panibagong kaso sa loob lamang ng 24 oras. Ito na ang pang-apat na sunod-sunod na araw na naiulat ang pinakamaraming bilang ng nahawahan simula nang ideklara ang pandemya.

Ang nasabing variant ay natagpuan na rin sa ibang bansa tulad ng Estados Unidos, Singapore, Australia, Israel at Switzerland.

Loading…