Johnson & Johnson nag-apply na ng EUA sa FDA para sa kanilang ‘single-dose’ COVID vaccine

Imahe mula sa ABC News
  • Nag-apply na ng ‘emergency use authorization’ sa FDA ang Johnson & Johnson
  • Ito ang magiging kauna-unahang single-dose vaccine na posibleng maging available sa bansa
  • Kasalukuyan nang isinasagawa ang phase 3 clinical trials ng J&J sa Pilipinas

Kinumpirma ng Food and Drugs Administration (FDA) na nag-apply na ng ’emergency use authorization’ o EUA para sa kanilang single-dose COVID-19 vaccine ang US pharmaceutical company na Johnson & Johnson.

Ang bakuna ng J&J ay gawa ng kanilang sariling vaccine firm na Janssen Pharmaceuticals na nakabase sa Belgium. Ito ay naaprubahan na rin sa Estados Unidos noong nakaraang buwan.

“[They filed] last Wednesday. Now under evaluation,” ani FDA director general Dr. Eric Domingo sa panayam ng GMA News.

FDA Dir. Gen. Eric Domingo| Imahe mula sa PNA

Ayon sa website ng Center for Disease Control and Prevention (CDC), ang J&J COVID vaccine ay inirerekomenda para sa mga edad 18 pataas.

Ito ay napatunayan sa mga clinical trials na mayroong 66.3% efficacy para mapigilan ang pagkahawa ng mga taong walang infection dalawang linggo matapos maturukan ng bakuna, na ibig sabihin ay mas higit na protektado ang mga tao dalawang linggo matapos silang mabakunahan.

Napatunayan rin sa mga trials na ang mga nahawahan makaraan ang apat na linggo (28 araw) matapos silang maturukan ng J&J vaccine ay hindi na kailangang dalhin pa sa mga pagamutan.

Ibinahagi kamakailan ng Department of Science and Technology (DOST) na kasalukuyang ginagawa na ng phase 3 clinical trials ng Johnson & Johnson vaccine sa bansa sa Metro Manila, Calabarzon, at Western Visayas.

Imahe mula sa The Verge

Kapag naaprubahan na, ang J&J ang pang-limang kumpanya na nakakuha ng EUA mula sa FDA kasunod ng Pfizer-BioNTech, Oxford-AstraZeneca, Sinovac, at Gamaleya-Sputnik V.

Ito rin ang kauna-unahang single-dose vaccine na posibleng maging available sa bansa.

Samantala, ang dalawang US company na Moderna at Novovax ay hindi pa rin nag-aapply ng EUA sa Pilipinas kahit pa pumirma na ang mga ito ng kontrata para mag-supply ng COVID vaccine sa bansa na paghahatian ng gobyerno at ng pribadong sektor.

Loading…