Ka Tunying inireklamo sa korte ang dating empleyado at bank manager na ‘nag-madyik’ sa pera ng kumpanya

Imahe mula sa Instagram/ Ka Tunying
  • Sinampahan na ng reklamo ni Ka Tunying ang dating empleyadong ‘nagmadyik’ ng pera ng kaniyang kompanya
  • Idinawit rin ni Taberna ang bank manager na kasabwat umano ng empleyado
  • Natuto na raw siyang ‘wag magtiwala nang lubos sa isang tao kapag pera na ang pinag-usapan

Makaraan ang apat na buwan simula nang madiskubre ang anomalya, tuluyan nang sinampahan ng reklamo ni Anthony Taberna ang kaniyang dating empleyado na responsable umano sa pagkawala ng milyong kita ng kaniyang kumpanya.

Nitong Miyerkules, dumulog si Taberna sa Quezon City Prosecutor’s Office upang pormal na kasuhan si Ernie Patrick Aquino, dating finance and administrative head ng A. Taberna Foods.

Imahe mula sa Inquirer

Idinawit rin ang bank manager na si  Gualberto Baluyot II na kasabwat umano ni Aquino para ‘madyikin’ ang nasa P15.38-M na pera ng kumpanya at mailipat sa personal account ng empleyado.

Unang nadiskubre ng beteranong broadcaster ang anomalya Nobyembre noong nakaraang taon matapos tumalbog ang mga tseke na kanilang inisyu dahil sa kawalan ng pondo. Ito ay sa kabila ng pagtitiyak ni Aquino sa board meeting nila na maayos ang kalagayang pinansiyal ng negosyo.

“In the last week of November 2020, several checks issued by A. Taberna Foods to suppliers were dishonored despite the supposed availability of funds. Upon inquiry with (the bank), the company discovered that respondent Aquino was able to open seven other bank accounts under the name of Taberna Foods,” ayon sa reklamo ni Taberna base sa ulat ng Inquirer.

Screenhot mula sa Facebook

Nadiskubre sa ginawang audit na mayroong ‘175 unauthorized transfers’ na ginawa si Aquino mula sa corporate bank accounts papunta sa kaniyang personal accounts na nagkakahalaga ng P15,381,644.09.

Sa panayam ng DZRH, sinabi ni Ka Tunying na malaki ang pagsisisi niya sa labis na pagtiwala kay Aquino at may natutunan rin siyang aral.

“Ang naging lesson ko dun ay ‘wag kang magbibigay ng buong-buong tiwala sa isang tao kahit gaano mo pa siya katagal na kakilala basta’t ang pag-uusapan ay pera,” ani Ka Tunying.

Imahe mula sa TripAdvisor

Ibinahagi rin ni Taberna na mula sa dating 150 empleyado ay nasa 80 na lamang ang manggagawa ng kaniyang Ka Tunying’s Café at nasa dalawang branches na lang ang nananatiling bukas.

Noong nakaraang Disyembre unang isiniwalat in Taberna sa publiko ang ginawa ng kaniyang dating empleyado na hindi umano niya inaasahan.

BASAHIN: Ka Tunying desididong kasuhan ang tauhang ‘nagmadyik’ sa kanilang pera; pati bangko papanagutin din

“Nadiskubre namin na ang taong aking pinagtiwalaan, ako pala ay matagal nang pinagnanakawan! Ang pera ng kumpanya, namadyik niya at naidiretso sa sarili niyang bank account,” kuwento dati ni Ka Tunying sa isang panayam.

Loading…