Koneksyon para sa Edukasyon: Angeles City namahagi ng libreng WiFi connection sa public school students

Imahe mula sa Angeles City PIO
  • Nagpamahagi ng libreng internet cards para sa libreng WiFi connection ang Angeles City sa public school students
  • Ang bawat internet card ay maaaring magamit ng hanggang tatlong taon
  • May 700 access points para sa free WiFi connection sa Angeles City

Nagpamahagi  ang lokal na pamahalaan ng Angeles City sa pangunguna ng alkalde nito na si Mayor Carmelo “Pogi” Lazatin, Jr. ng mga internet cards para sa libreng WiFi na  magagamit ng mga public school students mula Grade 4 hanggang Grade 12.

Imahe mula sa Angeles City PIO

Umabot sa 5, 404 internet cards ang naipamahagi ni Mayor Lazatin sa unang araw ng distribusyon nito noong Lunes, April 19. Napunta sa  City College of Angeles ang 1,782 ; 493 sa Marisol Bliss Elementary School; 1,036 sa Sta. Teresita Elementary School; at 2,093 sa Malabanias Integrated School.

“Sa pamamagitan ng mga internet learning cards na ito, magkakaroon sila ng dedicated access sa libre internet, para mas maging stable ang connection nila kapag meron silang online classes, at mas mapadali ang kanilang pag-aaral,” sabi ni Mayor Lazatin.

Ang bawat internet card ay puwedeng magamit ng hanggang tatlong taon.

“Gusto nating magkaroon ng libre at maayos na internet connection ang mga estudyante at guro natin, para magamit nila sa kanilang digital education, lalo na ngayong panahon ng pandemya,” dagdag pa sa alkalde.

Mayroong 700 access points para sa libreng WiFi connection sa siyudad.

Ayon kay Jermaine Jam Aguila, ang head ng City Mayor Records Section, na 57,530 internet cards ang kabuuang bilang na ipamamahagi sa public school students.

Imahe mula sa Angeles City PIO

Aniya, ang mga estudyante ring ito ang binigyan ng tablet ng city government noong Enero ng taong kasalukuyan.

“Ibabalik din po ang mga tablets na ito sa kani-kanilang eskwelahan pagkatapos ng Academic School Year, para magamit po ng susunod na batch ng mga estudyante,” paliwanag ni Mayor.

Tiniyak ng alkalde na walang kabataang Angeleño ang maiiwan ngayong panahon ng pandemya.

Imahe mula sa Orbit News

Loading…