Lacson sa pagtugon ng gobyerno sa pandemya: “We can’t feel someone is in charge, sobrang malas”

Imahe mula sa Ping Lacson website
  • Muling binatikos ni Lacson ang pandemic response ng gobyerno
  • Mistula umanong walang nagtitimon sa mga hakbang na ginagawa ng pamahalaan
  • Samantala, ‘di naman pabor ang Malakanyang sa mungkahi na magpatupad ng ‘household lockdown’

Muling nagpahayag ng pagkadismaya si Senador Panfilo ‘Ping’ Lacson sa diumano’y kakulangan ng pamahalaan sa pagtugon sa umiiral ng COVID-19 pandemic sa bansa.

Ginawa ng senador ang naturang pahayag matapos ianunsiyo ng Malakanyang noong nakaraang Sabado ang pagpalawig ng isang linggo pa sa enhanced community quarantine (ECQ) lockdown sa Metro Manila at ilang karatig-lalawigan.

Screenshot mula sa Twitter ni Sen. Ping Lacson

Sa isang Twitter post, sinabi ni Lacson na tila  walang nagtitimon sa ginagawang hakbang ng gobyerno para sugpuin ang krisis sa gitna ng patuloy na paglobo ng bilang ng may COVID-19.

“The coronavirus has gone berserk. While it is on ‘at-will’ mode, we are like, on autopilot,” ani Lacson sa kaniyang tweet nitong Lunes.

“We can’t feel someone is in charge. Sobrang malas!” dagdag pa ng mambabatas.

Nitong Linggo ay muling nakapagtala ng Department of Health (DOH) ng karagdagang 11,028 na kaso ng COVID, dahilan para umakyat nasa 135,526 ang kasalukuyang active cases. Pumalo na rin sa 795,051 ang kumpirmadong nahawahan ng COVID sa bansa.

Household lockdown

Samantala, iminungkahi naman ng isang kongresista na magpatupad ng ‘household lockdown’ sa mga pamilyang may COVID-positive na miyembro. Sa sitwasyong ito ay ide-deliver na lang sa kanilang bahay ang lahat ng basic needs sa pakikipagtulungan ng LGUs.

Subalit ayon sa Malakanyang, ang ‘household lockdown’ ay magastos at nangangailangan ng maraming isolation facilities.

Imahe mula sa PCOO

“The problem with reverse isolation is number one, quite frankly, it becomes more expensive because when you isolate them, you have to provide for their meals,” paliwanag ni Presidential Spokesperson Harry Roque.

Bukod dito, dagdag ni Roque, kailangan ng karagdagang isolation facilities dahil mas maraming miyembro ng pamilya na walang sintomas ang kakarguhin ng gobyerno.

Ginagawan naman daw ng paraan ng pamahalaan ang usaping ito sa pamamagitan ng paggamit ng mga eskuwelahan at hotels bilang isolation facilities.

Loading…