Lalaking lumabag sa curfew sa Cavite, pinag-pumping exercise ng 300; bumigay at natuluyan umano

Imahe mula sa Facebook
  • Isang lalaki sa Cavite ang pinarusahan umano ng 300 pumping exercise matapos lumabag sa curfew
  • Bumigay umano ang katawan hanggang sa matuluyan ang lalaki, ayon sa kamag-anak na ibinahagi ang kuwento sa Facebook
  • Itinanggi naman ng General Trias police na mayroon silang pisikal na parusa sa mga lumabag sa protocols

Hindi raw kinaya ng katawan ng isang lalaki sa General Trias, Cavite ang parusa matapos siyang mahuling lumabag sa curfew kamakailan.

Kuwento sa Facebook ni Adrian Luceña, nahuli ang kaniyang kuya (pinsan)  na si Darren Manaog (Peñaredondo) noong Huwebes ng gabi. Bumili lang daw ito ng tubig sa labas sa oras na ipinatutupad na ang curfew sa lungsod.

Bilang parusa umano ay pinag-pumping exercise si Darren ng nasa halos 300 na ulit kasama ang iba pang mga nahuling curfew violators.

Screenshot mula sa Facebook

“Kailangan sabay sabay kaya naka ilang ulet sila sabi niya nasa 300 daw nagawa nila,” ayon sa post ng netizen.

Matapos makauwi nitong Biyernes nang umaga, hindi na raw makalakad nang maayos ang lalaki. Kinabukasan ng Sabado ay bigla raw itong na-convulsion at sinubukang i-revive. Muli umanong inatake ng conlvulsion si Darren hanggang sa na-comatose.

Linggo nang umaga, mga bandang alas-10, ay tuluyang nang bumigay at pumanaw ang lalaki, kuwento pa Luceña.

Ayon pa sa netizen, mayroon silang hawak na video kung saan makikita kung paano naghirap si Darren dahil sa naging parusa sa kaniya.

Imahe mula sa Facebook

Subalit sa panayam ng News5, itinanggi naman ni General Trias City police chief Lt. Col. Marlo Soler na mayroon silang pisikal na parusa sa sinumang mahuhuling lumabag sa curfew o health protocols.

Karaniwan umano ay isinasailalim lang nila sa lectures ang mga violators. Ganun pa man, tiniyak ni Solero na mapaparusahan ang mga pulis na sangkot sa insidente kung sakaling mapatunayang may katotohanan ang insidente.

Samantala, naglabas na ng pahayag ang pamahalaang lungsod ng General Trias tungkol sa pangyayari habang hindi pa rin naglalabas ng statement ang pamunuan ng PNP o maging ang Cavite PPO.

Samantala, narito ang pinakalatest na pahayag ng pamilya:

Loading…