Lolang nagbahagi ng inilalakong kakanin kapalit ng nakuhang pagkain sa community pantry, pinuri at hinangaan

Imahe mula sa Facebook/ L:ors Langoey MI
  • Hinangaan ang isang lolang nag-iwan ng kaniyang panindang kakanin sa community pantry
  • Nakakuha na raw siya ng kaniyang kailangan kaya nais niya ring ibahagi kung ano man ang mayroon siya
  • Hindi rin naiwasan ng iba na ikumpara si lola sa grupo ng kababaihang ‘pumakyaw’ sa isa ring community pantry

Hinangaan ng maraming netizens ang isang lolang nagtitinda ng kakanin na iniwan ang kaniyang paninda kapalit ng kaniyang nakuha mula sa community pantry.

Batay sa viral post sa Facebook na ibinahagi rin ni Lors Langoey Mi, napadako umano sa isang community pantry ang isang senior citizen na nagtitinda ng bitso-bitso at nagtanong kung maaari rin siyang makakuha ng nakalatag na mga items.

Imahe mula sa Facebook

Pumayag naman daw ang organizer ng pantry at sinabing puwedeng-puwed basta’t kukuha lang siya nang naaayon sa kaniyang pangangailangan.

Matapos magpaalam ay dumampot na si lola ng isang supot ng bigas, tatlong itlog, isang apple, isang noodles, ilang tuyong isda at saka ilang piraso ng gulay.

“Pagkatapos kinuha niya ang binebenta niyang bitso-bitso at inilatag sa mesa. Sabi ng organizer na okay lang na ‘wag na niyang i-display ang benta niya, pero nag-insist si nanay,” kuwento ng netizen.

Screenshot mula sa Facebook/ L:ors Langoey MI

Paliwanag ni lola, naglalako siya ng bitso-bitso upang may ipambili ng makakain sa isang araw. Subalit dahil natanggap na niya ang kaniyang pangangailangan sa araw na iyon mula sa community pantry, nais naman niyang ibahagi kung ano ang mayroon siya.

Dahil dito, maraming humanga sa ipinakitang kabutihang-loob ni lola na handang magbahagi sa kapwa nang ayon sa kaniyang kakayahan.

“Diyan makikita ang mga totoong tao bukal sa loob ang magbigay..Kung ano blessing nila shinashare dn nila…sa panahon ngayon kailngan talaga ang bayanihan..,” komento ng isang netizen.

Imahe mula sa Facebook

“A simple act of kindness brings back to you more..nakakatouch…God bless to each ang everyone kapag tulong tulong mapagtatagumpayan natin ang anumang pagsubok,” sang-ayon naman ng isa pa.

Ang iba naman ay hindi maiwasang ikumpara ang ginawa ni lola sa ginawa ng grupo ng kababaihan na ‘pumakyaw’ sa nakalatag na produkto, kabilang na ang dalawang tray ng itlog, sa isa ring community pantry sa Pasig City kamakailan.

Pinuri rin ng mga netizens ang nasa likod ng naturang comminty pantry at sana raw ay marami pa silang matulungan na katulad ni lolang tindera ng bitso-bitso.

“If only our community acts this way, we can create a better world to live,” ayon pa sa viral post.

Loading…