Lolang nagtitinda ng pitaka, panapin sa ulo sa isang footbridge sa QC dinagsa ng tulong

  • May panawagan ang isang concerned citizen para sa isang matandang babaeng nagtitinda ng mga pitaka at panapin sa ulo sa isa sa mga footbridge sa Batasan Hills, Quezon City
  • Matapos ang kaniyang trending post, dinagsa ng tulong ang naturang lola
  • Mukhang maitatampok pa siya sa trending na palabas ni Raffy Tulfo

Nakalulungkot lamang na makakita ng mga senior citizens na patuloy pa ring naghahanapbuhay dahil sila lamang ang inaasahan sa kanilang pamilya, na dapat sana ay nag-eenjoy na lamang sa kanilang buhay sa bahay, nag-aalaga sa mga apo, naghahalaman, o kung nagtatrabaho man ay hindi na ganoon kabigat.

Kaya naman, nanawagan ang isang concerned citizen na nagngangalang ‘Teodoro Lanuza, Jr.’ sa Facebook page na ‘Palapag Brgy. Batasan Hills’ na suportahan at bilhin ang mga panindang pitaka, panalo sa ulo, at iba pa ng  78 taong gulang na lola. Nakapuwesto umano ito sa may dulo ng footbridge sa Batasan Hills, sa Quezon City.

Imahe mula sa Facebook account ni Teodoro V. Lanuza Jr.

“Good day po. Pakisuportahan po natin si Nanay. 78 years old pero masipag na nagbebenta sa Batasan sa may dulo ng footbridge. 35 pesos po ang binebenta niyang wallet. Nagbebenta rin siya g pansalo sa ulo,” saad ni Lanuza. Ibinigay rin niya ang personal na numero ng matanda para sa mga nagnanais na magpaabot ng tulong sa lola.

“Nanghingi ako ng permiso sa pagkuha ng larawan para matulungan po siya sa kanyang tinda. Paki-share po sa marami para masuportahan si Nanay,” ani Lanuza.

Umani naman ito ng iba’t ibang reaksyon at komento mula sa mga netizens.

“Ang sipag po ninyo, Nanay. God bless po. Bigyan pa po kayo ng mahabang buhay ng Panginoon. Alalayan ka Niya po sa iyong paglalako,” panalangin ng isa.

Turan naman ng isa, “Wow ang galing ni Nanay. Pero risky po dahil sa pandemya, pero no choice po ang tulad ni Nanay kasi baka wala siyang panustos sa pang-araw-araw kung wala siyang pagkilos na gagawin. Ingat po kayo palagi!”

Imahe mula sa Facebook account ni Teodoro V. Lanuza Jr.

“Sana po sa pamamagitan ng post na ito ay mas makilala pa si Nanay para matulungan siya sa kaniyang pagbebenta,” pahayag naman ng isa.

Matapos ang trending post na ito, marami na ang tumugon sa panawagan ni Lanuza. Isa na riyan ang netizen na si ‘Jayziie Javier’ na naglunsad na ng isang donation drive para kay Lola Milagros Mendoza. nagpasalamat din siya kay Lanuza dahil sa nauna nitong inisyatibo na matulungan ang matanda, na namumuhay na lamang mag-isa.

“Nais ko po sanang lumapit sa inyo kahit isang takal ng bigas, paisa-isang canned goods, noodles, biscuit,vitamins, hygiene kit, face mask, face shield para po kayo Nanay nang sa gayon po ay maipahinga naman po niya yung pagod niyang katawan, ako po mismo ang kukuha niyan sa location ninyo para hindi na kayo maabala,” aniya.

Dagdag pa niya, “Ngayon pa lang po ay nagpapasalamat na po ako nang taos-puso sa inyo. God bless po sa ating lahat!

Imahe mula sa Facebook account ni Jayziie Javier

Nawa ay maging simula pa lamang ito ng pagdagsa ng tulong para kay Lola Milagros Mendoza!

Loading…