Mabaho at maitim na usok mula sa crematorium, inireklamo

Screenshot mula sa News5 video
  • Isang crematorium sa Sta. Rosa ang inirereklamo ng mga residente
  • Masangsang na amoy at maitim na usok umano ang ibinubuga ng pasilidad
  • Sinabi ng DENR Calabarzon na dapat ay may pollution control device ang crematorium upang ma-mitigate ang usok

Inireklamo ng mga residente sa isang barangay sa Sta. Rosa, Laguna ang isang crematorium dahil sa inilalabas nitong masangsang na amoy at maitim na usok.

Screenshot ng FB post ng News5

Napag-alaman na ang crematorium ay mismong pag-aari ng lokal na pamahalaan ng Sta. Rosa City. Ipinatayo umano ito dahil sa rami ng mga mamamayang hindi nakaliligtas sa bagsik ng coronavirus.

Ayon sa isang kawani ng city government na nakausap ni Raffy Tulfo sa programang Idol in Action, maselan daw ang nasabing crematorium dahil bago pa iyon.

“Bago po? Eh kung bago bakit ganun po mausok masyado?” tanong ni Raffy Tulfo sa kawani na nagsabing ipatatawag ng city government ang service provider ng crematorium.

“Kaya po ipatatawag po namin ‘yung aming service provider, sir, kung ganito ang pangyayari. Pagpapaliwanagin po namin sila,” sabi ng kawani ng Sta. Rosa City government.

Nang i-follow up umano ng Wanted sa Radyo team ni Raffy Tulfo ang kaso,  napag-alaman mula sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa Calabarzon Region na wala palang permit to operate ang inirereklamong crematorium ng Sta. Rosa City government.

Screenshot mula sa News5 video

Sinabi pa ng DENR na may kulang na gamit ang crematorium kaya naglalabas iyon ng maitim na usok.

Dapat umanong mayroong ginagamit na pollution control device ang crematorium upang ma-mitigate ang usok.

Nagpadala na ng kinatawan ang DENR Calabarzon upang magsagawa ng inspeksyon sa pasilidad at upang pansamantalang maipasara hangga’t hindi nasosolusyunan ang paglalabas niyon ng maitim na usok.

Source :

News5, Facebook

Loading…