Malakanyang hindi maglalabas ng medical bulletin ni PRRD: “He is not sick”

Imahe mula sa Facebook ni Sen. Bong Go
  • Hindi maglalabas ng medical bulletin ni Pangulong Duterte ang Malakanyang
  • Hindi raw ito kailangan dahil wala namang karamdaman ang 76-anyos na presidente
  • Ito ay sa kabila ng mga panawagan na magpakita na sa publiko ang Pangulo upang mapawi ang agam-agam tungkol sa kaniyang kalusugan

Hindi kailangang maglabas ang Malakanyang ng medical bulletin ni Pangulong Rodrigo Duterte dahil wala naman umano itong sakit sa gitna ng mga panawagang magpakita na sa publiko ang lider ng bansa.

Sa kaniyang press briefing nitong Lunes, muling iginiit ni Presidential Spokesperson Harry Roque na malusog ang Pangulo at wala itong karamdaman.

Imahe mula sa Facebook ni Sen. Bong Go

“A medical bulletin is only given when the President is sick and he is not sick,” ani Roque.

Noong Marso 29 pa huling nakita sa publiko si Duterte at noong nakaraang linggo ay kinansela ng Malakanyang ang kaniyang lingguhang ‘Talk to the People’. Hindi rin nakadalo sa ginanap na paggunita ng ‘Araw ng Kagitingan’ ang presidente noong Abril 9.

Sa kabila nito, makailang ulit na nagbahagi ng mga larawan at video si Senador Bong Go, na kilalang malapit sa presidente, bilang pruweba umano na maayos ang kalusugan ni Duterte at nagtatrabaho lang ito sa Malakanyang.

Screenshot mula sa Facebook ni Sen. Bong Go

Nagpaliwanag din si Roque matapos tanunging kung bakit siya, at hindi ang Pangulo, ang nag-anunsiyo ng pagbabago sa quarantine status ng bansa na karaniwang ginagawa ni Duterte sa kaniyang lingguhang ‘Talk to the People’.

“Halos isang taon na nung ako’y bumalik, talagang ako ang nag-a-anunsyo niyan except lang kung ‘yung simula ng buwan coincides with the Talk to the People on a Monday,” ayon pa sa tagapagsalita ng Malakanyang.

Nangako naman si Roque na magpapakita na ang Pangulo sa publiko anumang araw ngayong linggo at posible umanong nitong Lunes nang gabi, Abril 12.

Loading…