Mensahe ng delivery rider sa lugaw incident kaugnay sa 2 barangay officers: “Sa legal action na lang po tayo magharap”

Screenshot mula sa GMA video
  • Nagdesisyon ang food delivery rider sa viral lugaw incident na maghain ng reklamo kaugnay sa dalawang barangay officers ng Barangay Muzon sa Bulacan
  • Matapos ang insidente sa checkpoint, hinarass umano siya ng dalawang barangay officials na nagtungo sa Lugaw Pilipinas
  • Nais umano ng delivery rider na bigyan ng leksyon ang dalawang barangay officers

Nagbago ang isip ng food delivery rider sa viral lugaw incident na naganap sa Barangay Muzon sa San Jose Del Monte, Bulacan. Nagpasiya siyang sampahan ng reklamo ang dalawang barangay officers na diumano ay nang-harass sa kanya.

Screenshot mula sa video ni Marvin Ignacio

Maaalalang noong una ay ipinahayag ng Grab Philippines Communications Team na walang planong magreklamo o magdemanda ang delivery rider na kinilalang si Marvin Ignacio matapos siyang harangin sa checkpoint ng mga barangay officers para mag-deliver ng lugaw.

Ayon kay Marvin Ignacio, matapos ang insidente sa checkpoint ay nagtungo sa tindahan ng lugaw – ang Lugaw Pilipinas – ang dalawang barangay officers na sina Rudy Bernardino at Tomohiro Aoki at kinompronta siya ng mga ito.

Pawang masasakit na salita umano ang binitiwan ng dalawa kay Marvin, ngunit nagbago raw bigla ang tono ng dalawa nang maisipan ni Marvin na kunan ng video ang ginagawa sa kanya.

Gusto raw niyang turuan ng leksyon ang dalawa, ayon kay Marvin, na nagtungo sa istasyon ng pulisya upang ipa-blotter si Bernardino at Aoki. Aniya, nanginginig na siya sa takot na nararamdaman dahil sa pangyayari.

Screenshot mula sa video ni Marvin Ignacio

Sa pamamagitan ng video mula sa Barangay Muzon ay humingi na ng paumanhin ang mga barangay officials na sangkot sa insidente subalit hindi na nagkomento tungkol doon si Marvin. Aniya, sa korte na silang sila maghaharap.

“Pinag-iinitan na po ako rito sa lugar namin. Nakokompromiso na po ‘yung buhay ng pamilya ko dahil sa pangha-harrass. Gusto ko po sana silang bigyan ng leksyon, harapin po nila ‘yung ginawa nila sa akin para hindi na po ito pamarisan kung may iba pa pong gustong gumawa nito is matakot na po. Sa legal action na lang po tayo magharap,” aniya.

Screenshot ng post ni Marvin Ignacio

Sa isang post ni Marvin sa kanyang Facebook account ay humihingi siya sa publiko ng tulong na i-share ang video ng insidente sa Lugaw Pilipinas upang makaabot sa kaalaman ng beteranong broadcast journalist na si Raffy Tulfo.

Maraming netizens ang tumugon sa panawagan niya.

Source :

GMA , Facebook

Loading…