Mga bumbero sa San Juan City nabiktima ng prank calls

  • Nabiktima ng prank calls ang mga bumbero sa isang barangay sa San Juan City
  • Isang ‘di-nakilalang caller ang tumawag sa kanila at nagsasabing tulungan ang kanilang lugar
  • Pagdating nila sa lokasyon, wala namang nagaganap na insidente; ni usok ay wala

May mga nakaaaliw na prank, pero may mga nakakainis din.

Ipinagtaka ng mga residente sa Barangay Baris sa San Juan City ang sunod-sunod na pagdating ng mga fire truck sa kanilang lugar noong Linggo ng gabi, Abril 4, 2021, sa araw mismo ng Easter Sunday.

Ayon sa kanila, wala namang sunog sa kanilang lugar noong mga oras na iyon, kaya bakit may mga bumbero? Ibinahagi rin ito ng isa sa mga residente na si Lester Macion sa kaniyang Facebook post.

Imahe mula sa Facebook account ni Lester Macion

“Shout-out sa tumawag na may sunog daw dito sa amin. Walang hiya ka pati bumbero pina-prank call mo,” saad niya.

Ayon sa Bureau of Fire Protection-National Capital Region (BFP-NCR), nag-iimbestiga na sila hinggil sa naturang  prank call. Tumawag umano ang prank caller sa 911 at sinabing may nangyayaring aberya sa kanilang barangay. Noong tinawagan ulit ng BFP ang caller ay hindi na ito sumasagot.

Umani naman ito ng iba’t ibang reaksyon at komento mula sa mga netizens.

“Sana nilalagay sa lugar ang pagpa-prank. Hindi nakakatuwa. Ang daming sinasakripisyo ng mga bumbero magampanan lang ang tungkulin tapos ipa-prank lang. Huwag na po tayo dumagdag sa problema,” wika ng isa.

Mungkahi naman ng isa, “Siguro panahon na para ipatupad ang 1 sim for 1 person only at kailangan talaga ng registration para ‘di laganap ang pranks at scams. Mapapadali pa ang pag trace, mababawasan pa ang mga ganyang cases.”

“Hindi nakakatuwa kung sinoman ‘yang tumawag na ‘yan, huwag sana mangyari sa ‘yo. Diyos na bahala sa ‘yo sa ginawa mo,” turan naman ng isa.

Public Domain Image

Ayon sa datos ng Department of Interior and Local Government o DILG,  halos 2.5 milyong prank calls ang kanilang natanggap noong 2019, at tila dumadagdag pa ito ngayon, na para bang bagot na bagot na ang mga tao sa community quarantine o lockdown.

Panoorin ang ulat ng 24 Oras hinggil sa prank call na ito via YouTube Channel:

Loading…