Mga empleyado ng PH Orthopedic Center na nagpositibo sa COVID, umabot na sa 117

Imahe mula sa Lakansining
  • Nagpositibo ang 110 sa 180 empleyado ng POC noong nakaraang Huwebes
  • Nadagdagan pa ito ng pito nitong Sabado kaya umabot na sa 117 ang bilang ng COVID-positive na staff ng ospital
  • Umapela rin ng donasyong personal protective equipment (PPE) ang POC mula sa publiko

Nadagdagan pa ng pito nitong Sabado ang bilang ng empleyado ng Philippine Orthopedic Center na nagpositibo sa COVID-19 dalawang araw matapos maiulat na 110 sa kanilang 180 staff ay nahawahan na ng virus.

Dahil dito, umabot na sa 117 ang kabuuang bilang ng empleyado ng ospital sa Quezon City ang nagpositibo sa COVID, ayon kay POC officer-in-charge Dr. John Andrew Michael Bengzon.

Imahe mula sa Wikipedia

“With a range of outpatients between 350-450/day and the increasing positivity rate of COVID patients, 117 out of 180 swabbed staff turned positive,” ani Bengzon sa isang pahayag.

Kaya nitong Sabado ay nagpasya na ang pamunuan ng POC na pansamantalang isuspindi muna ang kanilang outpatient department at gawin munang online ang consultation sa halip na face-to-face.

Inilipat na rin umano ang ilan sa kanilang infected na staff sa isolation facilities dahil kapos na rin sila sa kama na nakalaan para sa kanilang mga empleyado.

Imahe mula sa Wikipedia

Karamahihan sa mga nagpositibo ay mga asymptomatic o may mild symptoms lamang at naturukan na ng unang dose ng Sinovac vaccine.

Sa kasalukuyan ay mayroon pang 216 inpatients at 12 COVID patients ang POC na patuloy nilang inaasikaso at inaalagaan.

“The emergency room is open 24/7. We will continue to treat orthopedic emergency patients,” bahagi ni Dr. Bengzon.

Inihayag din ng POC na tuloy ang second dose rollout ng kanilang vaccination program sa Abril 5 hanggang Abril 12, habang sa Abril 7 naman muling magpapatuloy ang mandatory swabbing para sa lahat ng kanilang staff.

Samantala, umapela ang POC sa publiko para sa donasyong personal protective equipment (PPE) lalo na ang face mask dahil kailangan nang mag-double mask ng kanilang mga medical staff.

Loading…