Mga estudyante sa Gapan City makatatanggap ng 10.1-inch tablet para sa pag-aaral

Image by Mayor Emeng Pascual - Serbisyo Publiko via Facebook
  • High school at college students sa Gapan City, makatatanggap ng 10.1-inch tablet para sa kanilang pag-aaral
  • Kabuuang 19,898 units ng tablet ang ipamamahagi
  • Mayor Emerson Pascual: ”Huwag kayo magpasalamat, ito ay pera ng Gapan na ibinabalik ko lamang sa inyo..”

Makatatanggap ng 10.1-inch na tablet ang mga naka-enrol sa public secondary schools at college sa Gapan City, Nueva Ecija. Ito ay kaloob ng lokal na pamahalaan para mas matiwasay na maipagpapatuloy ng mga estudyante ang kanilang pag-aaral sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Image by Mayor Emeng Pascual – Serbisyo Publiko via Facebook

Online class kasi ang isa sa mga mode of learning na ipinapatupad ng Department of Education sa gitna ng pandemya at kinakailangan ng mga mag-aaral ng gadgets kagaya ng tablet para maisagawa ito.

“Mga Batang Gapan natanggap nyo na ba ang mga tablet nyo???” ang mababasa sa Facebook post ng page na Mayor Emeng Pascual – Serbisyo Publiko nitong ika-14 ng Abril, 2021.

Nakasaad sa post na ang 19,898 unit ng tablet ay ipamamahagi sa mga junior at senior high school students mula sa mga pampublikong paraalan ng siyudad, gayundin sa mga nag-aaral ng kolehiyo sa Gapan City College.

Magagamit ito ng mga estudyante hanggang sa makatapos sila sa pag-aaaral. Maaari rin naman nila itong ibalik sa eskuwelahan kapag naka-graduate na para ipagamit sa iba pang estudyante.

Pero, ayon sa post, hindi libre ang paggamit ng tablet: “Hindi ito libre! May bayad ito.. ang bayad ay mag-aral kayong mabuti para sa inyong kinabukasan..”

Saad pa ni Mayor Emeng, huwag daw sa kanya magpasalamat, ”Huwag kayo magpa salamat, ito ay pera ng Gapan na ibinabalik ko lamang sa inyo..”

Matatandaang gumawa rin ng paraan ang Gapan City noong nakaraang taon para magkaroon ng mabilis na koneksyon sa internet ang mga estudyante; bagay na kailangan din para sa online class.

Image by Mayor Emeng Pascual – Serbisyo Publiko via Facebook

Nag-provide ang city government ng 5Mbps speed ng internet access sa bawat tahanan na may bayad na P50.00 lamang kada buwan para magkaroon ng kapasidad na makapag-aral ang mga estudyante sa ilalim ng new normal.

“Lalatagan ko po ng internet ang lahat ng bahay na gustong magpakabit dito sa lungsod ng Gapan,” ani Mayor Emerson Pascual.

Image by Mayor Emeng Pascual – Serbisyo Publiko via Facebook
Source :

Facebook, PNA

Loading…