Mga juvenile bearded dragons nakumpiska mula sa menor de edad

Imahe mula sa Wikimedia/Frank C. Muller
  • Nakumpiska ng DENR ang labing-anim na bearded dragons mula sa isang menor de edad
  • Dadalhin umano ng menor de edad ang mga bearded dragons sa Cartimar Market sa Pasay City
  • Ang pag-aalaga at bentahan ng wildlife nang walang kaukulang permit at documentation ay ipinagbabawal sa ilalim ng Wildlife Resources Conservation and Protection Act of 2001

Inanunsyo ng mga awtoridad na labing-anim na juvenile bearded dragons ang nakumpiska habang ilegal na ibinibiyahe ang mga ito ng isang menor de edad noong ika-22 ng Abril.

Imahe mula sa DENR

Ang mga bearded dragons ay nasamsam ng mga miyembro ng Environmental Protection and Enforcement Task Force (EPETF) ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa pakikipagtulungan ng Pandacan Police Station mula sa menor dedad na nakasakay sa isang motorsiklo na patungo umano sa Cartimar Market sa Pasay City.

Ayon sa EPETF, walang naipakitang permit mula sa DENR ang menor de edad nang maharang ito sa isang checkpoint sa Quirino Avenue sa Maynila.

Ang mga bearded dragons ay exotic species na inaangkat pa mula sa ibang bansa. Ang breeding ng mga exotic animals ay nangangailangan ng special permit mula sa DENR. Sa black market ay naipagbibili ang mga ito sa halagang P10,000 bawat isa.

Ipinahayag ni EPETF Executive Director Nilo B. Tamoria na ang pagkakakumpisksa sa mga bearded dragons ay resulta ng pakikipag-ugnayan ng DENR sa mga law enforcement agencies para habulin ang mga illegal wildlife traders.

Imahe mula sa DENR

“We are aware that there are those in the illegal wildlife trafficking taking advantage of the pandemic, which is why we are doubly vigilant. Let us obey the regulatory processes required in trading wildlife species, especially those involving exotic species, to protect the country’s local wildlife species and ecosystems,” sabi ni Tamoria.

Aniya, ang pag-aalaga at bentahan ng wildlife nang walang kaukulang permit at documentation ay ipinagbabawal sa ilalim ng  Republic Act No. 9147 o Wildlife Resources Conservation and Protection Act of 2001.

Imahe mula sa DENR

Ang mga nasamsam na bearded dragons ay nai-turn over na sa Biodiversity Management Bureau upang mapangalagaan ang mga iyon sa Wildlife Rescue Center nito sa Quezon City.

Source :

Facebook, DENR

Loading…