Mga nangungutya sa mga “eco girls” na nanimot sa community pantry binalaan ni Idol Raffy

Screenshot mula sa Raffy Tulfo in Action video
  • “Eco girls” humingi ng tulong kay idol Raffy Tulfo dahil sa mga natatanggap na panlilibak at pagbabanta mula sa mga netizens
  • Tinawag na “eco girls” ang mga babaeng na-videohan na nanimot ng isang community pantry dahil sa dala nilang mga eco bags na pinagsidlan ng mga pantry goods
  • Babala ni Raffy Tulfo, madedemanda ang mga patuloy na mambabatikos sa mga babae

Winarningan ni Raffy Tulfo, ang broadcast journalist na tinaguring “Hari ng Public Service,” ang mga netizens na patuloy na mambabatikos sa mga babaeng na-videohan na nanimot ng mga pagkaing nakalatag sa isang community pantry.

Screenshot mula sa Raffy Tulfo in Action video

Matatandaang humingi ng tulong sa kanya ang mga babae dahil sa mga panlilibak at pagbabanta sa kanila matapos mag-viral ang video sa social media.

Inamin ni Raffy Tulfo, na kilala rin sa tawag na Idol Raffy, na maging siya ay natawa nang mapanood ang naturang video ng mga tinatawag ngayong “eco girls” (dahil sa dala nilang eco bags na pinagsidlan ng mga pantry goods), pero naawa raw siya nang mabasa ang mga komento ng mga social media users laban sa mga babae. Pati pamilya ng mga ito ay idinamay na rin daw sa pangungutya.

“Kapag ‘yung tao bagsak na, dapa na, sumu-surrender na, tantanan na, ako aminin ko kahapon nung pinakita sa akin ‘yan, natawa ako,” pag-amin ni idol Raffy sa kanyang show na RTIA.

Dapat umanong tumigil na ang mga netizens dahil nag-public apology na ang grupo. Kung hindi raw titigil ay tutulungan niya ang mga ito na magsampa ng demanda.

Screenshot mula sa Raffy Tulfo in Action video

“Kapag patuloy pa rin kayo namba-bash, nag-promise po ako sa kanya, kayo po ay madedemanda,” mariing sabi ng beteranong broadcast journalist.

Batay sa opinyon ng isang abogado na kinonsulta ni Raffy Tulfo, posibleng sampahan ng mga kasong cyber-libel at grave threat ang mga nangungutya at nagbabanta sa anim na babae.

Source :

YouTube

Loading…