Mga opisyal hindi natuwa sa 2 babaeng naghatid ng lugaw sa barangay hall ng Muzon dahil sa ‘pang-iinsulto’

Screenshot mula sa video ng GMA News
  • Dalawang babae ang naghatid ng lugaw sa barangay hall ng Muzon
  • Subalit hindi natuwa ang mga opisyal dahil tila ‘pang-iinsulto’ ito sa kanila
  • Inaresto naman ang dalawang babae na kasalukuyang nakapiit sa presinto

Hindi pa man humuhupa ang isyu tungkol sa ‘lugaw’, muling naging laman ng balita ang Barangay Muzon sa San Jose Del Monte City, Bulacan matapos ipaaresto ng mga opisyal ang dalawang babae kamakailan.

Ayon sa ulat ng GMA News,  sinadya kasi ng dalawang babae na maghatid ng lugaw sa barangay hall at kinunan pa nila ng video ang kanilang ginawa habang nasa biyahe.

“Lugaw for delivery, sana ay ‘di tayo maharang,” ito maririnig sa video na ang pinatutungkulan ay ang nakaraang insidente kung saan sinita ng opisyal ng barangay ang isang delivery driver na may dalang lugaw dahil ‘di raw ito essential.

Screenshot mula sa video ng GMA News

Mayroon pang kalakip na mensahe ang inihatid na lugaw ng dalawa. Ayon dito, “For Barangay Muzon, Essential po ang lugaw, para po matikman n’yo lahat ng taga Barangay Muzon… Happy eating.”

Hindi naman natuwa dito ang Punong Barangay na si Marciano Gatchalian dahil sa umano’y tila pang-iinsulto ito sa kanila.

“Binibidyuhan pa nila…Plinano nila na ang barangay ay insultuhin,” ani Gatchalian.

Wala na raw silang nagawa kung hindi ipaaresto ang dalawang babae dahil sa harap mismo ng mga pulis nang ibigay ng mga babae sa kanila ang dalang lugaw.

Screenshot mula sa Facebook video ng Barangay Muzon

“Pati pulis ay nagalit sa kanila kaya ‘yung mga pulis na rin ang nagdesisyon na dalhin sila sa istasyon at kasuhan ng ‘unjust vexation’ kas inga po ay masyadong intentional ang kanilang ginawa,” paliwanag ng opisyal.

Sa kasalukuyan ay nakapiit pa ang dalawang babae at hindi pa makunan ng pahayag dahil naka-lockdown pa ang presinto.

BASAHIN: Opisyal sa viral lugaw incident humingi na ng paumanhin

Samantala, humingi na ng paumanhin si Gatchalian tungkol sa nakaraang insidente ng pagharang sa nag-deliver ng lugaw. Pinaalalahanan na rin umano niya ang lahat ng opisyal ng barangay na maging magalang sa pagharap at pakikipag-usap at laging may ‘maximum tolerance’.

Source :

GMA News, Remate

Loading…