Mga pasyenteng nasa tent pinagbabayad umano ng P1,000 kada oras; ‘di rin sasagutin ng Philhealth

Imahe mula sa ABS-CBN News
  • Nabunyag sa Kamara ang umano’y paniningil ng ospital ng P1,000 kada oras sa mga nasa tent lamang
  • May ilang pasyente raw na umabot ng P140K ang overnight bill kahit nasa tent lang naghihintay
  • Ang masaklap pa, hindi raw ito puwedeng sagutin ng Philhealth

Ibinunyag ng isang mambabatas sa Kamara ang kalakaran ngayon sa ilang ospital na pinagbabayad ang mga COVID patient ng nasa P1,000 kada oras habang naghihintay na may mabakanteng kuwarto para ma-admit.

Ang masaklap pa umano, lumalabas na hindi ito sasagutin ng PhilHealth, ayon kay Bayan Muna party-list Representative Ferdinand Gaite.

Rep. Gaite| Imahe mula sa Twitter

“Pansamantalang nilagay muna sila sa mga tent and when they were billed out, apparently, PhilHealth does not cover the expense… medyo malaki rin… accordingly, P1,000 per hour ang singil nila,” bahagi ni Gaite sa ginawang pagdinig ng Health committee nitong Martes.

Ayon pa kay Gaite, may kakilala siyang umabot ng P140,000 ang inabot ng overnight bill lamang at ito ay habang nasa tent pa sila.

“Unfortunately, again, this was not covered under the PhilHealth benefit package… Hindi ba dapat i-revisit nila ‘yung policy na ‘yan? Kasi nga po, hindi na nga nila kasalanan,” saad ng kongresista.

‘Di kasama sa package ng PhilHealth

Paliwanag naman ng PhilHealth, talagang hindi kasama sa package ng ahensiya ng pag-stay ng pasyente sa tent.

“Sa ngayon po, hindi po accredited po kasi ‘yung mga tent, wala pong standards for that sa ngayon. So, hindi po talaga siya mako-cover, ‘yung nasa tents po. Kapag po nakapasok na sa hospital, saka lang po iko-cover,” ani PhilHealth acting Senior Vice President Neri Santiago.

Imahe mula sa Manila Times

Ganun pa man naniniwala rin si Santiago na kailangang repasuhin ng PhilHealth ang policy na ito.

“Pero kung tutuusin po kasi, it’s a package rate so supposed to be, temporary treatment sa temporary facility na part din ng hospital should be part of the package,” ani Santiago.

Upgraded na ang benefit package?

Kaugnay nito, nanawagan naman ang Department of Health (DOH) sa PhilHealth na payagang mag-claim ang mga ospital para sa mga pasyenteng nasa ER na hindi pa admitted.

Ayon naman kay DOH Sec. Francisco Duque, hindi niya lubos maisip ang P1,000 kada oras na charge para sa mga nasa tent.

Imahe mula sa DOH

“I cannot countenance a P1,000 per hour charge. Therefore, eight hours, that’s P8,000? Ay, hindi ho tama ‘yan,” ani Duque.

Ang pagkakaalam umano niya ay na-upgrade na ang benefit package ng PhilHealth para i-cover ang lahat ng uri ng accommodation. Samakatuwid, giit ng kalihim, kailangang bayaran ng state insurer kahit na naghihintay pa lang ma-admit ang isang pasyente.

Loading…