Mga residente sa Malolos nagsayawan sa gitna ng kalsada, health protocols binalewala

Screenshot mula sa GMA video
  • Nakuhanan ng video ang mga residente ng isang barangay sa Malolos, Bulacan na nagsasayawan sa kalsada sa gitna ng kapistahan
  • Halos dikit-dikit na ang mga tao at ang iba ay wala pang suot na face mask at face shield
  • Pinaimbestigahan ni Malolos Mayor Bebong Gatchalian ang insidente

Sa kabila ng paulit-ulit na paalala ng mga awtoridad tungkol sa mga restriksyong ipinatutupad ng pamahalaan upang mapigilan ang pagdami ng mga taong nahahawaan ng COVID-19, tila balewala ang mga iyon sa mga residente sa isang barangay sa Malolos, Bulacan.

I-CLICK ang imahe para sa video mula sa GMA video

Sa isang video na ibinahagi ng GMA, makikita ang maraming residente ng Barangay Look 1st  na nagsasayawan sa gitna ng kalsada habang dumaraan ang isang motorcade para sa kapistahan. Halos dikit-dikit na ang mga tao at ang iba ay wala pang suot na face mask at face shield.

Maririnig sa video ang malakas na tugtugin at halakhakan ng mga tao. Ang ilan sa kanila ay may hawak na imahen  ng Nuestra Señora de Sto. Rosario habang umiindak sa saliw ng malakas na tugtog mula sa motorcade.

Dismayado sa nangyari ang alkalde ng lungsod na si Mayor Bebong Gatchalian na nag-utos sa kapulisan na imbestigahan ang idinaos na pista sa naturang barangay.

Ayon sa kapitan ng Barangay Look 1st na si Romeo Santiago, hindi umabot sa kanyang kaalaman ang plano ng mga residente na magdaos ng religious festivity. Tanging motorcade lang umano ang ipinagpaalam ng mga organizers.

Sinabi ni Kapitan Santiago na ang nakita sa video na nagsasayaw habang may hawak na poon ay nasa tapat lang daw ng bahay nito. Isinasayaw daw ng lalaki ang poon habang dumaraan ang motorcade.

Screenshot mula sa GMA video

Sa kabila noon ay humingi ng paumanhin si kapitan sa nangyari at nakahanda raw siyang harapin anuman ang kalabasan ng imbestigasyon.

Ang Bulacan ay kabilang sa NCR+ areas na nasa ilalim ng modified enhanced community quarantine kung saan ipinagbabawal ang pagdaraos ng mga pagtitipon gaya ng fiesta. Ang Malolos ang isa sa mga lugar sa Bulacan na mayroong pinakamaraming active cases ng COVID-19.

Source :

YouTube, GMA

Loading…