Tugon sa pinapirmahang ‘waiver’ sa SJDM: “Walang layong ipanikil ng karapatang pantao ang nasabing waiver”

Screenshot mula sa Twitter/ Daniel Pa-dilla
  • May pinapipirmahang waiver ang SJDM para sa mga tatanggap ng ayuda
  • Nakasaad dito na bawal ang magreklamo o maghabol sa anumang ahensiya ng gobyerno
  • Paliwanag ng SJDM, hindi naman ito paninikil ng karapatang pantao

Pinapirma ng waiver ang mga tumanggap ng ayuda sa San Jose Del Monte, Bulacan kung saan nasasaad dito na bawal ang ‘maghabol’, ‘magreklamo’ o kahit maglabas ng hinaning sa alinmang ahensiya ng gobyerno.

Ang kopya ng nasabing waiver ay ibinahagi sa Twitter ng isang netizen na sinabi ring pinangakuan silang ibibigay ang nalalabing P3,000 na ayuda kapag pinirmahan ang kasulatan.

Screenshot mula sa Twitter/ Daniel Pa-dilla

Naiuwi lang daw sa kanilang bahay ang kopya ng waiver dahil nagpanggap ang kaniyang nanay na hindi ito marunong magbasa at magsulat.

“”Sa aking pagtanggap, aking kinikilalang nasapatan ang aking karapatan, at wala na akong habol, reklamo, o hinaing pa ukol dito laban sa anumang ahensya ng gubyerno o opisyal ng pamahalaan ukol sa pamimigay ng NCR Plus Ayuda,” nasasaad sa waiver.

Walang layong manikil ng karapatang pantao

Paliwanag naman ng lokal na pamahalaan ng SJDM, ang pamamahagi ng waiver kasabay ng pagtanggap ng ayuda ay parte lamang ng pagnanais na tiyaking nauunawaan ang mga tuntunin ng memorandum circular na nagsasabing ang ayuda ay pang-indibidwal, at naaayon sa ‘order of priority’ na itinatadhana nito.

“Ang Waiver [ay] isang dokumentong nilalayong ipahayag ang pagkaunawang sa pagtanggap ng (benepisyaryo ng) ayuda, ay nabigyan siya ng sapat na tulong ng pamahalaan ayon sa Joint Memorandum Circular (“JMC”) No. 1, s. 2021,” ayon sa LGU ng lungsod.

SCreenshot mula sa Facebook video/SJDM-PIO

“Walang layong ipanikil ng karapatang pantao ang nasabing waiver,’ dagdag pa ng pahayag na inilabas ni city public information office chief Ronald Soriano.

Hindi requirement sa ayuda

Samantala, nilinaw naman ng Department of Interior and Local Government (DILG) na hindi requirement ang waiver para makatanggap ng ayuda ang sinumang benepisaryo sa loob ng NCR Plus.

“Wala pong ibang lugar na nag-require ng waiver diumano,” paglilinaw ni DILG spokesperson Jonathan Malaya sa isang press briefing nitong Biyernes.

Kinumpirma rin ni Malaya na nakatanggap sila ng report tungkol sa waiver ng San Jose Del Monte at hinihingian na nila ng paliwanag ang pamahalaang lungsod tungkol dito.

Loading…