MVP, Glovax Biotech magtutulungan para makapagpatayo ng vaccine plant sa bansa

Imahe mula sa Glovax/Facebook
  • Makikipag-partner si MVP sa Glovax Biotech para makapagtayo ng vaccine plant sa bansa
  • Nasa P7-B ang tinatayang magagastos sa konstruksiyon ng planta at posible itong matapos sa 2022
  • May iba pang pharmaceutical companies ang naglahad ng katulad na plano

Makikipagtulungan si business tycoon Manny V. Pangilinan sa isang local pharmaceutical distributor para magtayo ng manufacturing plant ng bakuna sa bansa.

Inanunsiyo nitong Biyernes ng Glovax Biotech Corp. na makikipag-partner sila kay MVP upang pondohan ang kanilang itatayong planta.

Imahe mula sa Glovax

“We already have the technology and we already have a supplier, the next steps we are doing is finding more financial support,” pahayag ni Glovax Biotech CEO Giovanni Alingog sa panayam ng GMA News.

Sa kasalukuyan, ka-partner na ng Glovax ang EuBiologics Co. ng South Korea upang magsagawa ng clinical trials ng kanilang EuCarVac-19 sa Pilipinas. Ito umano ang plano nilang i-manufacture sa bansa kapag nagawa na ang planta na plano nilang tapusin sa October 2022.

Ang tinatayang gagastusin sa pagtatayo ng planta ay nasa P7-B at ang magiging production capacity nito ay nasa 100 milyong doses kada taon.

“Nabanggit niya (MVP) sa aming meeting noong Wednesday lamang, sinabi niya mismo na susuportahan niya ang Glovax vaccine plant bilang pasuporta sa mamayang Pilipinos, sa gobyerno, lalo na kay Presidente Duterte, para sa laban natin sa COVID-19,” bahagi pa ni Alingog.

Samantala, maliban sa Glovax, nakaplano na ring magtayo ng kanilang sariling vaccine plant ang United Laboratories Inc. at posible itong matapos sa 2023, ayon sa Department of Trade and Industry (DTI).

Ganun din ang mga local pharmaceutical firms na IG/IP Biotech at Dr. Zen Biotech Inc na nakikipag-usap na ngayon sa gobyerno para sa kanilang plano.

Nauna nang sinabi ng Department of Science and Technology (DOST) noong isang araw na may anim na kumpanya ang nagpahayag ng kanilang interes na gumawa ng lokal na bakuna, dalawa sa mga ito ang mabilis at ‘agresibo’ para tuparin ang kanilang plano

Bagama’t hindi na binanggit ng DOST ang pangalan ng anim na kumpanya, isa raw sa mga ito ay ‘long-term partner’ ng isang Chinese company habang ang isa naman ay may connection sa vaccine developer sa Germany.

Loading…