Nagsulputang community pantry nagpapakita ng bayanihan, hindi bangayan –  Palasyo

Imahe mula sa ABS-CBN News
  • Hindi indikasyon ng pagkondena sa gobyerno ang mga nagsulputang community pantry
  • Patunay lamang daw ito na umiiral pa rin ang bayanihan sa gitna ng matinding hamon
  • Nakiusap din ang Palasyo na itigil na muna ang politika ay pagtuunan ng pansin ang pagtutulungan

Naniniwala ang Malakanyang na ang mga nagsulputang community pantry sa ibat’-ibang lugar ay hindi indikasyon ng ‘pagkondena’ ng mga tao sa ‘absent’ na gobyerno sa gitna ng umiiral na pandemya.

Sa kaniyang press briefing nitong Lunes, sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na ito ay isang patunay lamang na lumalabas pa rin ang kabutihang-puso ng mga Pinoy kahit sa oras ng kahirapan at kagipitan.

Imahe mula sa ABS-CBN News

“The community pantry represents the best in Filipino… I think this is a spontaneous movement amongst Filipinos, it’s part of our psyche to help one another kapag meron talagang panahon ng mga pangangailangan,” paliwanag ni Roque.

Hindi rin umano ito senyales ng ‘pagkondena’ sa pamahalaan dahil sa ‘kawalang-aksiyon’ nito sa problemang kinakaharap ng mga mamamayan.

“I don’t see that as a condemnation of government, it simply shows the best in us during the worst of times,” dagdag pa ng kalihim.

Imahe mula sa Facebook account ni Sec. Harry Roque

Bayanihan, hindi bangayan

Tinabla rin ng Palasyo ang pahayag ni dating Vice President Jejomar Binay na ang community pantry, na sinimulan ng isang netizen sa Maginhawa Street, Quezon City, ay nagpapakita lamang na ‘absent’ ang gobyerno ngayon at hindi natutugunan ang pangangailangan ng mga tao.

“We disagree po. Tingin po natin, itong mga community pantry ay nagpapakita na bayanihan ang umiiral, hindi bangayan,” ayon kay Roque.

Imahe mula sa GMA News

Kaugnay nito, nakiusap si Roque na itigil na muna ang politika sa panahon ngayon at bagkus ay pagtuunan ng pansin ang bayanihan at pagtutulungan sa halip na magbangayan.

Para naman sa mga nasa likod ng nagsusulputang community pantry, saludo umano ang Palasyo sa kanila dahil nagpapakita lamang ito na mamamayani pa rin ang pagtulong sa kapwa sa gitna ng matinding mga hamon.

Loading…