NBI, iimbestigahan ang pagpupuslit ng mga tao sa pagitan ng Bicol at Metro Manila

Screenshot mula sa video na ibinahagi ni James Deakin
  • Sinabi ng DOJ na aatasan nito ang NBI na imbestigahan ang napaulat na pagpapuslit ng mga tao sa pagitan ng Bicol at Metro Manila
  • Kumalat sa social media ang video ng naturang pagpupuslit ng mga pasaherong hindi sumailalim sa COVID-19 testing
  • Nasabat ng LTO ang mga colorum vans na nagsasakay ng mga ipinuslit na mga pasahero galing Metro Manila pabalik sa Bicol

Ipinahayag ni Secretary Menardo Guevarra ng Department of Justice (DOJ) na aatasan niya ang National Bureau of Investigation (NBI) na magsagawa ng imbestigasyon sa mga napaulat na “smuggling” ng mga taong hindi pa naisasailalim sa COVID-19 testing mula sa Bicol patungo sa Metro Manila (at vice versa) na nasa ilalim ng enhanced community quarantine (ECQ).

Imahe mula sa PCOO

Ang aksyong ginawa ni Sec. Guevarra ay bilang tugon sa panawagan ni Sec. Arturo Tugade ng Department of Transportation (DOTr) sa  mga law enforcement agencies na patigilin ang mga nabanggit na pagpupuslit na aniya ay isa sa nakadaragdag sa pagdami ng bilang ng mga COVID-19 cases.

“We’ll respond to the call of DOTr Secretary Art Tugade. I’ll direct the NBI to look into these alleged incidents of ‘human smuggling’ and conduct a full-blown investigation if there is any indication that the practice is widespread,” anang DOJ secretary.

Ang panawagan ni Sec. Tugade ay kasunod ng labindalawang communter vans na nasabat ng Land Transportation Office (LTO) na may mga pasaherong sakay mula sa Metro Manila patungo sa Bicol

Isiniwalat ng Bicol Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office na 79 na individual mula sa mga naturang colorum na sasakyan ang nagpositibo sa COVID-19.

Lubhang ikinabahala ni Sec. Tugade ang ginagawa ng mga drivers ng colorum vans.

Imahe mula sa DOTr

“Dapat itigil ito. Kinukomprumiso nila ang buong sambayanan. Lahat ng paghihirap natin sa testing, isolation at treatment mawawala dahil dito sa kagaguhan at kalokohan na ginagawa nito,” galit na sabi ni Sec. Tugade.

“Buhay ho ang nakataya dito kaya’t huwag maging pasaway, huwag maging sanhi ng pagkalat ng COVID. Hindi ho tayo uusad sa ating laban kontra sa COVID kung tahasan nilang nilalabag ang mga quarantine protocols. Isantabi muna natin ang pansariling interes para isalba ang buhay ng nakararami,” wika pa ng kalihim.

Screenshot mula sa video na ibinahagi ni James Deakin

Impounded na ang ilang van na nasabat ng LTO habang pinagpapaliwanag nito ang ang may-ari at driver ng truck na naghatid sa mga pasahero mula sa Bicol patungo naman sa Metro Manila na nakita sa video na kumalat sa social media.

Panoorin ang video ng pagpupuslit ng mga tao mula sa Bicol:

Loading…