Netizen ibinahagi ang kanilang love story ng mister na nakilala sa dating app na Tinder

  • Ibinahagi ng isang misis ang naging love story nila ng kaniyang mister
  • Nagkakilala umano sila sa isang dating app
  • Bago magpakasal ay nakakuha na sila ng sariling bahay; naantala nga lamang ang kanilang paglipat dahil sa pandemya

Sa pagpasok ng makabagong panahon, lalo na ang pagkakaroon ng mga high-tech gadgets at internet, tila naging maliit ang daigdig. Magagawa nang makipag-usap at makipag-ugnayan sa ibang tao, sa alinmang bansa at lipi, sa loob lamang ng ilang segundo. Mas napagagaan ang buhay, ‘ika nga.

Kaya naman, posible na rin ang pakikipagkilala at paghahanap ng mga kaibigan o makakasama sa buhay sa pamamagitan ng mga dating app. Isa sa mga pinakakilala at pinakaginagamit na dating app sa buong daigdig ay ang Tinder. Marami na ring magpapatunay na nagiging matagumpay ang relasyon kahit na sa online world nagkakilala ang magkasintahan.

Public Domain Image

Sino nga naman ba ang mag-aakalang magtatagal ang relasyong nabuo dahil sa dating app?

Pinatunayan ni Mae Casiño-Tenorio, sa kaniyang Facebook post sa ‘Home Buddies,’ na hindi dapat tingnan ang ikatatagumpay ng isang realsyon, batay sa naging paraan kung paano kayo nagkakilala, kundi ang parehong goals ninyo na nagtagpo, upang sabay na makamit at maisakatuparan.

“Nai-inspire kami ni hubby sa mga stories dito. Gusto ko lang din i-share story namin ni hubby. Baka lang may mainspire din,’ panimula ng netizen sa kaniyang post. Inisa-isa niya ang naging love story nila simula nang magkakilala sila noong 2015 hanggang sa makapagpatayo na sila ng sariling bahay nitong 2021.

Salaysay niya, May 2015 nang magka-match sila sa Tinder at magkausap sila. Makalipas ang pitong buwan ay naging magkasintahan sila. Makalipas ang dalawang taon, hiningi na ng kaniyang mister, na noon ay nobyo pa lamang niya, ang kaniyang matamis na oo para sa pagpapakasal. Hindi naman niya binigo ang nobyo, kahit na wala pa siyang ipon noon.

Imahe mula sa Facebook account ni Mae Casiño-Tenorio / Home Buddies / Public Domain Image

Kumuha raw sila ng hulugang bahay noong Disyembre 2017, batay na rin sa payo ng kanilang mga magulang. mabuti na nga lang daw at nakinig sila. Aminado naman siya na nagdalawang-isip sila sa maagang pagkuha ng bahay kahit na sasabay ito sa gastusin nilang mag-asawa para sa pagpapakasal. Subalit sabi nga wala namang hindi makukuha sa pagtitiis at pagsasakripisyo kaya ipinagpatuloy lamang nila.

“March 2018 umupa kami ng apartment para nakabukod na before the wedding. Again, dagdag sa expense. Matinding pagko-compute ginawa namin nito. Ito yung phase sa buhay namin na saktong-sakto na lang talaga sinasahod namin for all our expenses. June 2018, we got married. Thank you Lord for providing as always!” pahayag niya.

Subalit noong 2019, nilooban daw sila sa apartment nila kaya nakituloy muna sila sa mga magulang ni Mae. Habang nakikituloy, binabayaran nila ang down payment para sa kinuha nilang bahay. Pinagsama nila ang kani-kanilang mga sinusweldo para mabilis matapos. sa pagpasok ng 2020 at pandemya, nagtuloy-tuloy na ang kanilang pananatili sa poder ni Mae dahil naapektuhan ang pagproseso sa kanilang biniling bahay.

“October 2020 akala namin makakalipat kami by December 2020. Kaso wala talaga eh. Hindi pa rin na-turn over. May ibang plan si Lord and His plans are always greater than ours,” aniya.

“February  2021, FINALLY!!! Na-turn over na ang bahay! Kaya talaga tinrabaho ng mister ko ang paglakad ng kung ano-ano. Kuryente, internet. Marami pang iba para lang makalipat na agad.”

“March 2021, nakalipat din kami sa wakas! 4 na taon ang hinintay namin simula noong araw na nagbayad kami ng reservation hanggang sa makalipat kami. PATIENCE is a virtue!

Imahe mula sa Facebook account ni Mae Casiño-Tenorio / Home Buddies / Public Domain Image

“Kahit maliit lang itong bahay namin (50 sqm lot area), naha-happy ako kaya gusto kong i-share kasi para sa empleyado kagaya namin, achievement ito. Wala pong interior designer. Pinterest lang. Rumaket-raket lang din,” pagmamalaki pa niya.

Nagbigay rin siya ng tips sa mga kagaya nilang nagpaplano na ring magpakasal at magkaroon ng sariling bahay. Una, humanap ng mga pre-selling house na pasok sa panlasa at budget. Pangalawa, mag-ipon at huwag munang bilhin ang mga luha. Pangatlo at pinakamahalaga, magdasal.

Bukod sa sariling bahay, may sarili na rin silang kotse, na makikita rin sa ibinahaging larawan.

Pagbati sa mag-asawang nagkakilala sa dating app, at ngayon, nakalipat na sa kanilang home sweet home!

Source :

Facebook

Loading…