Netizen nanawagan ng tulong para sa matandang lalaking nagtitinda ng face shield kasama ang alagang aso

  • Nanawagan ng tulong ang isang netizen para sa isang matandang lalaking nagtitinda ng face shield
  • Nakapuwesto siya sa tabi ng kalsada sa Antipolo, Rizal
  • Bukod sa kaniyang edad, agaw-pansin ang kaniyang aso na katuwang niya sa pagtitinda

Simula nang mangyari ang pandemya, iba-ibang klase ng ‘survival’ ang ating nasaksihan. Walang pinipiling edad at estado sa buhay. Lahat ay nag-adjust, lahat ay kinailangang mag-isip kung paano mapangangalagaan ang kalusugan upang manatiling buhay, at sa malas, ang iba naman ay naghahanap ng iba’t ibang mapagkakakitaan upang mapanatili ang buhay.

Kagaya na lamang ng nasaksihan ng isang concerned citizen na nangngangalang ‘Jhoana Buenaventura’ kung saan ibinahagi niya sa kaniyang Facebook post ang larawan ng isang matandang lalaking nakaupo sa kalsada sa isang lugar sa Antipolo, Rizal, na nagtitinda ng face shield katuwang ang kaniyang alagang aso, na nagngangalang Brownie.

Imahe mula sa Facebook account ni Jhoana Buenaventura

“Kapag nadaan kayo sa Siete Medya (yung crossing near Robinsons Mall Antipolo) every morning, bili kayo kay Tatay ng face shield. Si Brownie ang may bitbit,” aniya.

Tinag niya sa kaniyang post ang anak ng naturang matanda na si Jhoan Murillo, para sa mga netizens na magnanais na matulungan ang matanda, o makabili ng face shield sa kanila, o kaya naman ay matulungan si Brownie na pet dog ng tindero.

Nabagbag naman ang damdmain ng mga netizens sa tagpong iyon.

“Nakkita ko siya kapag papasok ako sa umaga baby haha cute!! Kagat niya basket!” saad ng isa.

Turan naman ng isa, “Wow! nakaka-touch naman po iyan. Grabe, hanggang sa pagtitinda ay dinadamayan ng aso ang kaniyang amo.”

“Ang sipag naman ni Tatay! Saka nakakatuwa yung aso na si Brownie, talagang very supportive,” wika naman ng isa.

Imahe mula sa Facebook account ni Jhoana Buenaventura

Samantala, dahil sa post na ito ay maraming mga concerned citizens ang nagpaabot ng tulong kay Tatay, na ipinadaan naman sa anak nito na si Jhoan. Nagpasalamat naman si Jhoan sa lahat ng mga nagpahatid ng tulong para sa kaniyang ama. Pinasalamatan din niya si Jhoana Buenaventura sa pagpopost nito ng larawan ng kaniyang ama at ni Brownie sa social media. Ito ang naging instrumento upang matulungan sila.

“Thank you sa nag-post ulit about kay Brownie Sa mga nag-message po, salamat po! Pero sapat na po yung mga binigay. Mas maganda po ibigay na lang natin sa mga mas nangangailangan na aso. Salamat po,” mensahe ni Jhoan.

Mag-iingat po kayo Tatay at Brownie sa mga susunod na pagtitinda!

Loading…