
- Hinangaan ng mga netizens ang todo-suportang ibinibigay ni Gapan City Mayor Emeng Pascual sa kanyang mga nasasakupan
- Napa-“sana all” ang mga netizens sa ayudang ibinigay ng city government sa pamilya ng mga residenteng nagpositibo sa COVID-19
- Hindi napigilan ng maraming netizens na ihanay ang pangalan ni Mayor Emeng Pascual sa ibang mga alkalde sa Metro Manila na puwede raw maging presidente ng bansa balang araw
Sa patuloy na pagtaas ng bilang ng mga COVID-19 cases sa lungsod ng Gapan sa Nueva Ecija ay minarapat ng lokal na pamahalaan sa pangununa ni Mayor Emeng Pascual na ipagbawal na ang home quarantine sa mga residenteng nagpositibo sa coronavirus.

Aniya, ito ay upang hindi magkahawaan pa ang mga magkakapamilya na nasa loob ng iisang bahay.
Ipinahayag ng alkalde na mayroong 104 active cases ng COVID-19 sa kanilang lungsod, na bagama’t maliit na porsyento lang ng kanilang populasyon, ay lubhang nakababahala na raw.
Sa isang video sa kanyang Facebook account, sinabi ni Mayor Emeng na ang mga residenteng positibo sa COVID-19 ay kukunin mula sa kanilang bahay at dadalhin sa hotel kung saan sila ika-quarantine. Sagot ng lokal na pamahalaan ang lahat ng pangangailangan ng pasyente.
“Automatic kukunin namin kayo sa bahay n’yo. Saan namin kayo dadalhin ‘pag kayo’y nag-positive? Doon namin kayo dadalhin sa hotel. Magho-hotel kayo. Sagot namin sabon n’yo, toothpaste n’yo, pagkain n’yo. Lahat po sasagutin na natin,” anang alkalde.
Hindi lang iyon, maging ang pamilyang maiiwan sa bahay ay bibigyan din ng ayuda.
Napa-“sana all” naman ang mga netizens sa ayudang ibinigay ng city government sa pamilya ng mga residenteng COVID-19-positive.

Makikita sa ilang larawan na ibinahagi ni Mayor Emeng sa kanyang social media account ang laman ng kahon ng mga ayuda. Ibang-iba iyon sa mga ipinamimigay ng ilang local government units na kadalasan ay mga de-latang sardinas at instant noodles ang laman.
Kabilang sa mga ayuda ang SPAM at iba pang brand ng luncheon meat, de-latang ham, isang kilong Purefoods Hotdog, de-latang corned beef, fortified milk at chocolate drinks, powdered milk, sari-saring mga prutas, cup noodles, mga face shields, isang sakong bigas at mayroon ding cash.

Dahil sa todo-suporta ni Mayor Emeng Pascual sa kanyang mga nasasakupan, hindi napigilan ng maraming netizens na ihanay ang kanyang pangalan sa ibang mga alkalde sa Metro Manila na pwede raw maging presidente ng bansa balang araw.