‘Nobody knows’: Duterte aminadong ‘di tiyak kung kailan magkakaroon ng sapat na supply ng bakuna

Screenshot mula sa RTVM video
  • Aminado si Pangulong Duterte na walang katiyakan ang supply ng bakuna
  • Sa ngayon umano ay ayaw pang bitawan ng mayayamang bansa ang kanilang stock
  • May mensahe rin ang presidente sa mga ayaw magpaturok ng COVID vaccine

Aminado si Pangulong Rodirgo Duterte na wala pang kasiguruhan kung kailan tayo magkakaroon ng sapat na supply ng COVID-19 vaccine para sa lahat ng mga Pilipino.

Sa kaniyang ikalawang mensahe sa publiko ngayong linggo, sinabi ng Pangulo nitong Huwebes na maging ang mga industriyalisadong bansa ngayon na mayroong stock ng bakuna tulad ng Estados Unidos ay nagdadalawang-isip para mamigay ng kanilang stock.

Screenshot mula sa RTVM video

“Ngayon itong atin dito, wala pa tayong nakuha except for noong nakuha natin sa China… So mayroon tayong nakuha at may dadating pakaunti-kaunti,” ayon sa Pangulo.

Subalit ang mga dumarating na bakuna ay hindi pa rin daw sapat sapagkat kailangang unahin muna ang mga nasa priority list tulad ng mga health workers.

Dahil nga sa kakulangan ng supply, walang katiyakan kung kailan magkakaroon ng sapat na bakuna ang bansa para sa lahat ng mga mamamayan.

“Now, when will we have that stocks sufficient to vaccinate the people? I really do not know. Nobody knows,” dagdag pa ng presidente.

May mensahe rin ang Pangulo sa mga taong ayaw magpaturok ng COVID vaccine sa kung ano pa mang dahilan.

Sana raw ay isipin nila hindi lang ang sarili kung hindi ang ibang taong kanilang mahahawahan. Wala naman daw sana itong problema subalit paano na lamang ang ibang taong posibleng mahawa sa kanila.

Screenshot mula sa RTVM video

“The problem with being a bravado, ‘yang hambog, sabihin mo ‘eh ayaw ko kasi hindi naman ako naniniwala diyan… mamatay ka na kung gusto mo limang beses, ang problema ang mahawa mo,” galit na pahayag ng president.

Ganun pa man, tiniyak ni Duterte sa lahat ng Pilipino na patuloy na nagtatrabaho ang pamahalaan at ginagawa nito ang lahat bagama’t sa ngayon umano ang solusyon ay wala sa kaniyang mga kamay.

Loading…