OCTA: ECQ epektibo para mapababa ang Covid cases sa NCR; 1-week extension kailangan pa rin

Imahe mula sa PNA
  • Tagumpay umano ang ECQ sa NCR para mapababa ang bilang ng kaso ng COVID nitong nagdaaang mga araw
  • Patunay daw ito na epektibo ang ginawang hakbang ng gobyerno
  • Sa kabila nito, inirekomenda pa rin ng OCTA na palawigin pa ng isang linggo o mahigit ang ECQ

Epektibo ang umiiral na enhanced community quarantine (ECQ) sa Metro Manila para mapababa ang bilang ng kaso ng COVID-19 sa rehiyon, ayon sa OCTA Research team.

Ito ay matapos bumaba ang average na bilang ng COVID cases sa National Capital Region (NCR) sa 4,899 na lamang simula noong Marso 25 hanggang Abril 1 base sa data na nakalap ng OCTA.

Bagama’t mas mataas ito ng 19 porsiyento kumpara noong nakaraang linggo, mas mababa naman ito sa weekly average na pagtaas na umabot sa 60 porsiyento.

“The ECQ had a greater effect in reducing the reproduction number compared to the GCQ,” pahayag ng research group.

“[The result] indicates that the interventions imposed by the national government, in particular the ECQ, were effective in slowing the growth of the pandemic in NCR Plus,” wika ng OCTA.

Ganun pa man, kailangan pa rin umanong palawigin ang ECQ sa Metro Manila ng isang linggo o higit pa.

“This one week ECQ is certainly not enough. We are definitely not yet out of the woods, and we need an additional week and maybe more,” ayon kay OCTA Research fellow Ranjit Rye.

Pasay City lockdown| Imahe mula sa ABS-CBN News

“Our position has been clear before and it continues to be clear today, that based on the data we have, we’re not yet out of the woods. We need an additional one week of ECQ at the very least and make a serious assessment after that,” dagdag pa ni Rye.

Ang ECQ sa Metro Manila at karatig-probinsiya ay idineklara noong Marso 29 kasabay ng obserbasyon ng Semana Santa at nakatakda itong magtapos sa Abril 4, Linggo ng Pagkabuhay, maliban na lamang kung magdeklara ng extension ang gobyerno.

Nitong Biyernes, Abril 2,  ay iniulat ng Department of Health (DOH) ang pinakamataas na bilang ng kaso ng COVID sa bansa sa 15,310 kabilang na ang nasa 3,709 na backlog mula noong Marso 31.

Loading…